Sa Lupa Ipinunla, sa Entablado Sumisibol: Palakasang Grassroots sa Pilipinas
- theoraclejourn
- Aug 16
- 3 min read

Report by Jayane Leslie Felicaino | Graphics by Nikka Gutierrez | Layout by Ken Tipay
Walang binhi ang siyang maaaring sumibol sa sariling sikap lamang.
Kahit pa taglay nito ang likas na sigla, ang sigaw ng pagiging kakaiba sa kabila ay nananatiling tahimik sa malamig na kailaliman ng lupa kung walang liwanag na pagtutuunan ito ng pansin. Kung walang kamay na marunong maghintay, at walang puwang sa mundong handang makinig – paano ngaba sisibol ang munting binhi na kahit ang sarili ay walang alam sa kaniyang tinatagong galing? Sa Pilipinas, hindi bihira ang ganitong mga kuwento, lalo sa sa larangan ng isports o palakasan.
Kayraming talento ang walang awang napipigtas bago pa man mamulaklak—hindi dahil kulang sa galing, kundi dahil walang entabladong mapagpapakitaan. Walang palakpak. Walang pagkakataon. Madaling mangarap, gaya ng isang batang nakatingala sa gabi, ukol sa araw na maririnig ng isang atleta ang sariling pangalan na dumadagundong mula sa bawat sulok ng isang pambansang istadyum. Ngunit tulad ng punlang hindi maaaring tumapak sa hangin, mananatiling pangarap lamang ito kung walang matibay na lupaing pagtutubuan.
Kaya’t kung walang entabladong makikinig mula sa itaas, nararapat ipamalas ang lakas sa pinakaubod ng kalupaan—sa mga maliliit at lokal na paligsahan ng palakasan.
Kung sariling sikap lamang ang mayroon ka, gamitin ang tiyaga upang sa ilalim magsimula.
Sa usaping isports sa Pilipinas, hindi mawawalay sa kultura nito ang mga lokal na liga o paligsahan. Sa bawat sulok ng bansa, may mga kabataang halos araw-araw na nagsasanay sa lupa, gamit ang mga lumang sapatos, at sa silong ng mga barangay court. Iba sa mga rito ay mayroong mga tinatagong hiling, iba nama’y nais lamang maglaro ng kung anong uri ng palakasan bilang panglibang ng oras. Ngunit sa halip ng ano mang dahilan kung bakit una nilang piniling tumapak sa buhangin ng isports ng kanilang kinalakihan – iisa parin ang katotohanang umiikot sa kanilang mga buhay:
Lahat ng ito’y mayroong potensyal; at ang potensyal na iyon ang patuloy na hinuhubog ng bawat programang grassroots sa Pilipinas.
Tulad lamang ng iilang tanyag na atleta sa Pilipinas na nagsisimula sa mga maliliit na paligsahan o palarong pambansa sa kanilang kabataan, minsa’y sa buhangin at putik kinakailangan munang dumaan. Sa mga salita ng World Gymnast Champion at Filipino Pride na si Carlos Yulo bago ito nabigyan ng pagkakataong sumailalim ng mga matitinding pagsasanay sa kaniyang palakasan, “Nag-start po kami sa may tapat po ng Manila Zoo po sa playground po. Du'n po kami nagta-tumbling... Ang dudungis pa po namin nun. Tawag nga po sa amin noon mga batang yagit.”
At sa sandaling iyon na naglakas ng loob ang isang binhi na tumubo sa ilalim, doon nagsisimulang mapansin ang kaniyang paglago. Hindi kailangang sumigaw upang marinig; sapat na ang patuloy na paggalaw upang mapalingon ang mga matang marunong kumilala ng potensyal. Sa bawat hakbang mula sa putikan, may mga tagapagsanay, guro, o programang handing magsilbing patubig upang itulak pataas ang mga kabataang atletang nagsisimula pa lamang na gumawa ng pangalan para sa sarili.
Walang binhi ang siyang maaaring sumibol sa sariling sikap lamang. Ngunit, kung ang sikap ay sinamahan pa ng entablado kung saan maaring itanim ng binhi ang kaniyang sariling pangalan sa lupa, magiiba ang kuwento. Sa lahat ng alamat, ang unang hakbang ang kadalasang binabalik-balikan – hindi upang masilayan muli ang kahapon, kundi upang higit na maunawaan kung paano ito naging pintuan ng ngayon. Nagsimula sa grassroots, patungo sa establadong dati’y tanaw lang ng panaginip.
Comments