top of page

Sa Likod ng Nagbabagang Barra: Pagbuhat sa Karangalan ng TSU Powerlifting

  • Writer: theoraclejourn
    theoraclejourn
  • Jan 25
  • 3 min read

Report by Justin Marc Torres | Graphics by Lian Lambanicio | Layout by Dean Capiendo


Tulad ng tipikal na tagpo sa ating buhay kung saa'y dumadaan muna sa hirap at pagsubok ang isang indibidwal bago nito makamit ang tugatog ng kaniyang buhay, ganoon din ang danas ng bawat atleta. Nagmistulang pagpapagod sa pag-eensayo ang kanilang naging puhunan upang tumikas ang kanilang katawan, at mas tumatag ang kanilang isipan sa bawat laban na kanilang lalampasan. ‘Di hamak na ganoon din ang karaniwang kapalaran sa larangan ng pagbubuhat, o mas kilala sa tawag na “Powerlifting” kung saan lakas, pulso, at katatagangan ng isipan ang kinakailangan upang maiangat ang karangalan ng kani-kanilang koponan.


Kung susuriin ng mga taong hindi hilig sa ganitong pagalingan, marahil magmumukhang simple lamang ang kanilang nilalaro—magbuhat at magbuhat ng mga mabibigat na plato. Ngunit lingid sa kaalaman ng karamihan, mapapansin na hindi lamang bigat at dagsin ang kanilang kalaban kung hindi pati na rin ang mentalidad, pangalan, at karangalan na kanilang dinadala, at dadalhin sa bawat kampeonato na kanilang matatamo.


Paglalatag ng plato


Isa ang Tarlac State University Powerlifting Team sa nagbibitbit ng pangalan ng unibersidad sa larangan ng Power Lifting mula noong 2022 at patuloy na nagdadala ng karangalan hanggang sa nasyonal na kompetisyon. Makikita sa kanila na kanilang pinagsasakatawan ang tiwala at dangal na sila ay mayroon sa bawat pagharap nila sa laban upang bumuhat, hindi lamang ng kanilang mga sarili, kundi pati na rin ang unibersidad na kanilang nirerepresenta.


Sa pangunguna ni Coach Sandy Romen sa TSU Powerlifting Team kasama ang kanilang 20 miyembro, nagawa nilang itayo ang bandera ng unibersidad sa larangan na kanilang kinabibilangan habang isinasapuso ang kanilang parirala, "TSU PL, God First"— linyang nagkokonekta sa kanilang koponan at sa kanilang pananampalataya.


Pagbibigkis ng sinturon


Mula sa likod ng mga medalya’t dangal na bitbit ng TSU Powerlifting Team galing sa mga naipanalong paligsahan, ang kanilang paghahanda rin ay hindi biro. Bagamat may isang tagapangalaga ng team na si Coach Romen, karamihan ng kanilang mga miyembro ay mayroong iba’t ibang tagapagturo.


Ayon kay Reniel Suba, manlalaro ng TSU Powerlifting Team, bago sumabak sa gyera nang hindi bitbit ang mga armas, kung hindi ang kanilang mga katawan, at estratehiya sa bawat pag angat ng barbel sa mata ng mga lenteng nakatutok sa kanila, ang buong team muna’y nagkakaroon ng tinatawag na “Mock Meet” sa mga tagapanguna ng kanilang team na mas may kaalaman sa isports upang mailathala ang kanilang mga nalalaman.


Pagbubuhat ng bigat


Bagamat hindi pa opisyal na nilalaro ang Powerlifting sa State Colleges and Universities Athletics Association, nagawa nilang magpamalas ng kanilang lakas sa iba’t ibang kompetisyon na nilang sinasalihan. Ilan na dito ay ang Interschool 2025 sa Sta. Lucia Mall, Pasig (2 Gold, 1 Silver, 1 Bronze), Luzon Regionals 2025 sa Robinsons Las Piñas(1 Gold, 2 Silver, at Best College Team), at Asian University Cup 2025 sa Dehradun, Uttrakhand, India (4 Gold, 4 Silver).


Tulad ng isang lapis na hindi mo dapat sagarang tasahan hanggang mabali ang tingga—dahilan upang hindi na ito makasulat, hindi rin dapat ito hasain hanggang sa lumiit na masyado—sanhi para hindi ito mahawakan nang maayos, hindi sapat ang bara-barang estratehiya upang maitaguyod ang isang koponan sa kampeonato. Marahil kailangan ng malinis, at wastong pagsasanay nang sa gayon, hindi mabali ang tingga, at hindi lumiit ang kanilang pinanghahawakan sa kada laban.


Tunay na hindi maisusukat sa bigat ng bakal at mga platong kanilang ibinubuhat sa pang araw-araw na pag eensayo, maging ang bigat ng mga ito sa kompetisyon na kanilang sinasalihan dahil hindi lamang iyon ang kanilang kailangang pagtuonang pansin sa bawat pag-angat ng kanilang mga braso sa laban. Bagkus, ang isa pa nilang ipinanglalaban ay ang mentalidad at estratehiya na sila’y mayroon upang maiangat hindi lamang ang barra, pati na rin ang pangalan na kanilang binibitbit sa kahusayan.

 
 
 

Comments


bottom of page