top of page

PAGTUNAW NG HANGGANAN:Ang Diwang Pilipino sa Nagyeyelong Larangan

  • Writer: theoraclejourn
    theoraclejourn
  • 2 minutes ago
  • 3 min read
ree

Report by Patricia De Jesus | Graphics by Nikka Gutierrez | Layout by Ken Tipay


Sa ililim ng araw na nagliliyab noong isang tropikal na tanghali ng 2005, isang batang lalaki ang yumapak sa yelong sahig—hindi sa maniyebeng bundok ng isang banyagang lupain, kundi sa isa lamang gawa-gawang palapag sa loob ng mall sa Maynila—na tila doon siya nararapat at itinadhana. Di naglaon, ang lahat ay maliliwanagan sa huli at makikilala si Michael Christian Martinez sa buong mundo bilang ang kauna-unahang Timog-Silangang Asya at Pilipinong figure skater na lumaban sa Olympics; at ang ikalimang Pilipino na sumabak sa Olympic Winter Games.


Sa bansang ang niyebe ay produkto lamang ng mga panaginip at mapaghangad na isip—na tila bang mas mabilis matunaw ang yelo kaysa sa mga pangarap—ipinapakita ng ating mga atleta na hindi temperatura ang sukatan ng tagumpay. Binabasag nila ang ideya na ito’y hadlang sa kanilang mga mithiin—para sa kanila, ito’y isang hamon lamang na kanilang malalagpasan sa huli. Sa kanilang bawat galaw at pagpapakita ng galing at determinsayon sa mga kompetisyon, patuloy nilang ipinapamalas ang tapang at init ng kanilang mga puso na siyang lumalaban sa lamig ng kanilang larangan.


Tag-init noon ng Marso 2005 nang masulyapan ni Martinez ang mga taong nagkakatuwaan sa isang ice rink sa mall at tinanong ang kaniyang ina kung maaari rin niya itong masubukan. Sa loob lamang ng isang taon, siya’y nakikipagkompetensya na sa ibang bansa at naging matagumpay pa sa isang kompetisyon sa Singapore. Sa kaniyang unang paglahok sa Olympics—ang 2014 Winter Olympics sa Sochi, Russia—dala niya hindi lamang ang watawat ng Pilipinas, kundi pati na rin ang pag-asa ng isang bansang hindi kailanman mararanasan ang pagbagsak ng niyebe sa kanilang sariling lupa.


Sa kabila ng lahat ng ipinapakitang rikit at hinhin ng mga Pilipino sa figure skating, di alintanang naipamalas nila ang kanilang di matatawarang galing—hindi lamang sa Pilipinas kundi sa kabuuan ng kanilang napiling larangan. Saan man dalhin ng pabugso-bugsong tadhana ang mga atletang ito, walang makapagsasabing hindi nila napatunayan ang kanilang mga sarili. Saksi ang kasaysan sa kanilang ipinamalas na talento na siyang dahilan upang umalingawngaw ang kanilang mga panalo’t tagumpay maging sa buong Timog-Silangang Asya.


Sa kamakailang 9th Asia Winter Games na ginanap sa Harbin, China ng Pebrero ngayong taong 2025, labinsiyam na Pilipinong mga atleta ang ipinadala upang makipagtunggali sa iba’t-ibang aspeto ng isports tulad ng alpine skiing, figure skating, freestyle skating, at short track speed skating. Tila ba sa balasa ng baraha, sila’y pumaldong tunay dahil sa marahan ngunit matatag na pagtupad ng kanilang mga pangarap at pagbago ng daloy ng kani-kanilang mga tadhana. Sila ay tunay na halimbawa ng mgs Pilipinong dahan-dahang itinuwid ang mga nakakurbang guhit sa kanilang mga palad—patunay na mayroong ilaw sa dulo ng bawat pagsubok at paghihirap, at walang katapusan ang mga posibilidad na siyang naging lakas upang masimulan at mas paigtingin ang walang hanggang paglalakbay tungo sa katuparan ng kanilang mga pangarap.


Sa buong taon, nababalot ang Pilipinas ng ginintuang init ng araw—isang bansang laging gising sa liwanag—kung saan ang temperatura ay bihirang bumaba sa 25°C. Walang puting kumot ng niyebe ang bumabalot sa mga bundok, ni malamig na simoy ng hangin tuwing umaga upang sumalubong sa mga atleta tuwing pag-eensayo. Ngunit, hindi ito naging hadlang upang sila ay magpatuloy. Ang kanilang matinding determinasyon at kagustuhang labanan ang panahon na tila bang naghahamon sa kanilang mga pangarap ay lalong nagpasiklab upang sila ay magpatuloy.


Sila'y walang sawang nagsasanay at nangingibang-bansa upang makipagpaligsahan, bitbit sa kanilang pag-uwi ang inspirasyon para sa mga susunod na henerasyon, nagpapatunay na walang pangarap na mahirap abutin hangga’t mayroon kang lakas ng loob upang sumubok—walang imposible sa taong may pusong mangarap at may tapang upang tumindig at ipaglaban ito. Sa pagtanaw sa hinaharap, ang kanilang mga pangarap ay hindi lamang ang makilahok sa paligsahan, kundi pati na rin ang pagbubukas ng puwang para sa kinabukasan ng mga susunod na Pilipinong atletang.


Sa kabila ng katotohanang hindi kailanman mararanasan ng Pilipinas ang pagbagsak ng niyebe, hindi ito naging hadlang upang patuloy na umigting ang nagbabagang apoy sa puso ng bawat manlalaro. Sa gitna ng pinakamalamig na yugto ng mundo, ang kanilang tapang at lakas ay nagbibigay liwanag— na hindi kailanman matutunaw—habang patuloy na sumisiklab ang init ng diwa ng Pilipino saan man sa pinakamalamig na entablado ng daigdig. Sila ang patunay na sa bawat patak ng pawis at sa bawat ikot sa yelo, unti-unting natutunaw ang mga hangganang kanilang hinaharap at haharapin—at sa halip na lamig, ang nananaig ay ang apoy ng kanilang mga Pilipinong pusong walang takot mangarap.

 
 
 

Comments


bottom of page