top of page
Writer's picturetheoraclejourn

Pagbungkal ng Karunungan tungo sa Kaunlaran

Report by Rainier Acosta | Photos by Joaquin Umali


Lahat ng ani ay bunga ng sipag at tiyaga, dahil sabi nga nila, ang pagtatanim ay hindi biro—maghapon silang nakayuko sa kanilang gawain. Sa bawat ani ng magsasaka, tayo ay nagkakaroon ng pagkain sa hapag-kainan, habang sila naman ay nagkakaroon ng pantustos sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.


Maagang bumabangon bawat araw, sakay ng kalabaw, at bitbit ang kasipagang umaapaw habang tinutungo ang kabukiran. Doon, nagtatanim sila ng pag-asa para sa kinabukasan ng kanilang pamilya.


Umaksyon sa Batson


Ang Sitio Batson ay isang pamayanan ng mga katutubong Aeta na matatagpuan sa paanan ng mga bundok sa Bamban, Tarlac. Ito ay isa sa mga sitio ng Barangay Sto. Niño na ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ay pagsasaka, at dito inilatag ng mga mag-aaral ng Bachelor of Arts in Communication 2C ng Tarlac State University ang kanilang programa.


Sa kanilang proyektong pinamagatang “AgriCOMM Tara! : Pagsulong ng Likas-Kayang Agrikultura” ay may layuning makapagbigay ng tulong at kaalaman sa komunidad ng Sitio Batson, partikular na sa mundo ng pagsasaka. Sa lugar na ito nila isinagawa ang kanilang misyon na tugunan ang pangangailangan at palawakin ang kaalaman ng mga magsasaka.


Sa paglalahad ni Kagawad Elmer Guevara, isinalaysay niya ang kanilang problema tulad ng kakulangan sa teknolohiya at edukasyon sa bagong pamamaraan ng pagsasaka. Habang ipanapaalam ang mga suliranin, kasabay naman nito ang pagbisita ng kalungkutan sa kaniyang pagbabalik-tanaw sa mga naranasan nilang problema.


Dito sumiklab ang masidhing determinasyon ng mga mag-aaral na isulong ang kanilang programa para maghatid ng tulong at likas-kayang agrikultura sa komunidad ng Sitio Batson. Sa pangunguna ng kanilang guro sa Development Communication na si Mr. Derich Bognot, 46 na mag-aaral ang nagtungo sa lugar, dala ang ngiti at siglang naglalayon na magbigay ng pag-asa.


Ang kanilang programa ay nakasentro sa layunin ng Sustainable Development Goals (SDG) 2, na naglalayong wakasan ang kagutuman. Sa pamamagitan ng pagpapakilala ng mga karagdagang kaalaman at angkop na kagamitan sa pagsasaka, nagkakaroon ng mas maraming oportunidad para sa mas maayos na ani na makatutugon sa pangangailangan ng kanilang pamilya at ng buong komunidad.


Sa Likod ng Hitik na Paligid


Sa bukirin ng buhay sa Sitio Batson, samut-saring gulay ang nakatanim na nagsisilbi nilang pagkain sa araw-araw. Hindi sila madalas magtungo sa pamilihan upang bumili ng kakainin, tanging rekado lamang ang pakay pampalasa ng pagkain.


Sa kabila ng mga hitik na tanim, aminado si Kagawad Guevara na mabagal ang pag-usad ng kaunlaran sa kanilang pamamaraan at kagamitan. Ang kanilang mga gamit ay kulang at napagdaanan na ng panahon kaya’t nagsisilbi itong hamon sa kanilang pagtatanim at pag-aani, sinabayan pa ng kakulangan ng kaalaman sa makabagong pagsasaka.


“Kulang na kulang talaga kami dito ng mga gamit tulad ng asarol, mga araro, balsa. Yan yung hinihiling namin sa Diyos kung sino man ang mabubuting puso. Tapos kulang din kami sa education kaya nahuhuli yung pag-ani at madalas nalulugi kami,” saad ni Kagawad Guevara.


Binhi ng Pag-asa


Sa kanilang pagdating, nagpunla ang mga mag-aaral ng BA COMM 2C ng pag-asa upang may maani ang komunidad ng Sitio Batson. Sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng mga mag-aaral nakalikom sila ng malaking pondo para makabili ng mga kagamitang ipapamahagi sa pamayanan bilang maagang pamasko. Tampok dito ang pagbibigay nila sa mga magsasaka ng mga gamit sa pagsasaka, drums, gallon, at ibat-ibang punla. Bukod pa rito, nagbigay din sila ng mga grocery package, damit at mga laruan na nag-ukit ng ngiti sa kanilang labi.


Naging tampok naman sa programa ang pagbibigay ng bagong kaalaman sa pagtatanim na pinangunahan nina Pia Agudo at Alfie Quitaleg, partikular na sa benepisyo at proseso nito. Samantala, nagkaroon din ng malikhaing pagkukwento para sa mga bata na pinangunahan naman ni Paul John Bautista na nagbigay ng aral na bibitbitin nila sa pagtanda.


Sa pagtatapos ng programa, sama-samang kumain ang mga mag-aaral ng 2C sa sobrang pagkaing ipinamahagi nila sa komunidad. Sabay-sabay na naglalahad ng kanilang mga naging karanasan na tila bang ayaw na nilang kalimutan dahil sa tagumpay ng kanilang programa.


Hinog na Pasasalamat


Sa pag-uwi ng mga mag-aaral, ang komunidad ay mayroong pabaon, mga prutas na nagsisilbing pasasalamat sa nagawa nilang liwanag at sa inspirasyong hatid. Ang bawat bungang bitbit ay sumasagisag sa kanilang pagsisikap na makaraos sa hirap.


Ang pagkakaisa ng mga mag-aaral at komunidad sa ganitong programa ay nagsisilbing paalala na ang tunay na kaunlaran ay hindi lamang nasusukat sa dami ng ani, kundi sa mga pusong nagkakaisa para sa magandang bukas. Sa kanilang pag-aksyon sa Sitio Batson, tunay nilang naipakita na ang edukasyon ay hindi lamang para sa sarili, kundi para rin sa paglilingkod sa kapwa at pagbibigay pag-asa para sa mga nangangailangan.



Comments


bottom of page