Isang Krisis sa Bansa; Sigaw ng Isip at Masa
- theoraclejourn
- 7 days ago
- 3 min read

Isinulat ni Lexter Kian Pamintuan | Dibuho at inilapat ni Nikka Gutierrez
Kilala ang mga Pilipino sa kanilang kakayahang “magpatuloy”—o sa kontekstong ito, ang tinatawag nating “resilience.” Patuloy tayong hinuhubog ng mga bagyo at iba’t ibang sakuna upang manatiling matatag. Ngunit hanggang saan nga ba natin kayang pangatawanan ang pagiging matatag kung ang ating kalaban ay isang krisis na hindi agad nakikita?
Isang magulong mundo ang ginagalawan ng magkapatid na sina Kara at Krista (hindi tunay na pangalan).
Pasan-pasan ni Kara ang mabigat na sitwasyon—patuloy siyang nakikidigma para sa kanyang kalusugang pangkaisipan, o sa wikang Ingles ay “mental health.” Sa kanyang murang edad, dala na niya ang hirap ng pakikibaka laban sa sariling isip; dagdag pa rito ang pangungutya ng mga taong hindi batid ang lalim ng kanyang kalagayan.
Si Kara ay niresetahan ng kanyang doktor ng mga antipsychotic na gamot—mga gamot na makatutulong upang maibsan ang kanyang karamdaman sa pamamagitan ng pagregula ng mga kemikal sa utak. Subalit sa ating bansa, hindi gaanong pinagtutuunan ng pansin ang kahalagahan ng mga ito sapagkat madalas ay hindi naman nakikita ang sakit.
Hindi lamang si Kara ang may pasan. Damay rin dito ang kanyang mga mahal sa buhay. Isa na rito ang kanyang kapatid na si Krista, 21-taong-gulang, na isa sa mga nag-alaga sa kanyang Ate. Batid ni Krista ang mga pinagdaanan ng kanyang kapatid—sa loob at labas man ng kanilang tahanan.
“Kung sanang pwede lang sagipin at ipasa kay ate ang kakayahan kong maghold on to life, ipapasa ko, ibibigay ko.” Wika ni Krista sa isang panayam.”
Sumasalamin sa mga mata ni Krista ang pagmamahal ng isang kadugo. Bagamat siya ang mas nakakabata, siya ang tumayong ate upang higit na maunawaan ang kanilang sitwasyon.
Ayon sa datos, tinatayang 12.5 milyong Pilipino ang nakararanas ng krisis sa kanilang kalusugang pangkaisipan. Gayunpaman, bihira itong pag-usapan.
Bakit nga ba?
Dahil sa ating kultura na puno ng pambabatikos, pangungutya, at hindi pagpapahalaga sa mental health—na madalas tinatawag na “kaartehan” o “gawa-gawa” lamang. Sa Ingles, ito ay tinatawag na stigma. Binabalot ng kahihiyan ang mga taong may pinagdadaanan, dahil sa takot na sila ay husgahan bilang “maarte” o “mahina.”
Noong 2020, umakyat sa 57.3% ang mga kaso ng self-harm. Malamang na mas mataas pa ang tunay na bilang, ngunit nananatiling nakatago ang iba dahil sa stigma at kakulangan ng pagkakataong makapagsalita o makapagpatala.
Nang tanungin si Krista kung sapat ba ang tulong ng gobyerno para sa mga katulad ng kanyang kapatid, ang sagot niya.
“I always find myself researching different mental health clinics and services online but always end up realizing it costs too much.”
Dagdag niya, hindi sapat ang serbisyo ng gobyerno para sa mga nangangailangan. Totoong may Mental Health Act (Republic Act No. 11036, 2018) na naglalayong tugunan ang krisis na ito, ngunit kakaunti lamang ang nakakaalam. Bukod dito, nananatiling hindi abot-kaya ang pagpapagamot. Kapag narinig ang salitang “mental health,” agad na iniisip ng ilan na ito’y katumbas ng “kabaliwan” o “kakulangan sa pag-iisip.”
Nararapat lamang na pagtuunan ng pansin ng ating mga lider ang krisis na ito—sa pamamagitan ng pagpapatibay ng batas, pagpapaigting ng mga adbokasiya, at paglalagay ng mental health programs sa bawat barangay. Maging ang pagpapalakas ng social media presence ng mga organisasyong nagbibigay-tulong ay malaking hakbang na rin.
Nang tanungin kung ano ang pinakamahirap sa pagkakaroon ng kapamilyang may ganitong kondisyon, sagot ni Krista.
“Understanding her deeply.”
Ngunit ang mga salitang iyon ay hindi nagmumula sa kapaguran o pagkasuklam, kundi sa lugar ng pagmamahal at pag-unawa.
Ang kwento nina Krista at Kara ay isa lamang sa milyun-milyong hindi naririnig na boses. Patunay ito na ang usapin ng mental health ay hindi dapat isantabi.
Ang krisis sa kalusugang pangkaisipan ay masosolusyunan lamang kung kikilalanin ng lipunang Pilipino na kasingbigat nito ang iba pang sakit na pisikal. Hindi dahil hindi agad nakikita, ay wala na itong halaga. Malaki ang papel ng gobyerno at ng mamamayan sa pagtanggap, pagpapalaganap ng kaalaman, at pagbabago ng pananaw.
Huwag na nating hayaang may mas marami pang Pilipinong mawalan ng buhay dahil sa kulturang patuloy na nagpapabigat at humahadlang sa ating pag-unlad.
Comments