Nasa’n ang Pondo?: Pinakamahirap na Kalaban ng mga Atleta
- theoraclejourn
- May 10
- 2 min read

Report by Diya Nicole Gurung | Cartoon by Mary Ruth Orendain |Layout by Julyanna Lyde Denise Bautista
Ang Pilipinas ay kinikilala bilang isa sa mga pinaka-korap na bansa sa buong mundo, ayon sa Corruption Perception Index (CPI) na ipinahayag ng Transparency International noong 2022. Bagama’t ipinagmamalaki ng bansa ang katatagan at pagsisikap ng kanilang mga atleta, nakatago sa mga anino ng kanilang pagkapanalo ang mga madidilim na katotohanan ng corruption at kakulangan sa mga imprastraktura. Palpak rin pala ang Pilipinas pagdating sa usapang isports.
Nasa’n na yung Pera Mo?
Nakahanap din pala ng pwesto ang korapsyon sa loob ng mga buhay palakasan ng mga atleta. Hindi pinakamalaking problema ang kakulangan sa pondo ng gobyerno para sa mga atleta, kundi kung saan ito napupunta.
Noong 1996, ang boksingerong si Mansueto “Onyok” Velasco ay nag-uwi ng medalyang pilak mula sa Atlanta Olympics. Matapos nito ay pinangakuan siya ng gobyerno ng mga gatimpala at suporta para sa kanyang tagumpay. Ngunit, ang mga ‘yon ay naging sirang pangako dahil hindi ito natupad. Saan ‘yon napunta?
Gayunpaman, noong 2021, matapos makiisa sa mga nagkamit ng medalya noong Tokyo 2020 Olympics, nakatanggap si Velasco ng ₱500,000 mula sa Tanggapan ng Pangulo at pinarangalan ng Order of Lapu-lapu. Ang mga gantimpalang kanyang natanggap umano ay kabayaran din sa mga pangakong napako sa kanya matapos ang kanyang tagumpay sa Atlanta Olympics.
Makikita pa ba ang “ngiting tagumpay” kung tila konsolasyon ang pagbigay ng parangal at salapi? Isa itong kapalpakan sa pagtrato ng mga atleta at kapalpakan sa paghawak ng pera. Hindi lamang problema ang kakulangan sa pondo kundi lalo na ang pagkukulang ng mga namamahala.
Nasa’n ang Pwesto Mo sa Laban?
Bukod sa korapsyon, isa pang malaking suliranin ng mga atleta ay ang kakulangan sa maaayos na imprastraktura. Maraming mga atleta ang nagtitiis at napipilitang mag-ensayo sa mga pasilidad at gamit na hindi maayos o ‘di angkop sa kanilang laban. Ang iba naman ay lumilipad pa sa ibang bansa para lamang makapag-ensayo nang mabuti.
Isa sa mga halimbawa nito ay si Hidilyn Diaz, ang gold medalist sa weightlifting sa Tokyo 2020 Olympics. Ayon sa kanya, pinili niyang magsanay sa Malaysia dahil sa kakulangan ng mga pasilidad sa Pilipinas.
Ang kawalan at kakulangan sa patuloy na pagbigay ng pinansyal na suporta at mga maaayos na imprastraktura ay isang malaking hadlang sa pagpapaunlad ng Pilipinas sa larangang isports at para sa mga atleta na karamihan ay mga bata pa o ‘di kaya’y mga mula sa mahihirap.
Kung nais ng bansa na makapag-uwi ang mga manlalaro ng mga medalya ay kailangan muna ng maaayos na lugar at kagamitan sa pag-sanay. Paano lalakas kung mahina ang lugar ng pageensayo?
Nasa’n ang Kalaban?
Ang sistema ay masyadong nakatuon sa pagbibigay ng gantimpala sa mga atleta pag sila ay nanalo. Ngunit, mas mahalaga na maglaan ang mga nasa itaas ng tuloy-tuloy at sapat na suportang pang-matagalan upang mas lalong umangat ang Pilipinas sa larangan ng palakasan.
Ang pinakamahirap na kalaban ng mga atleta ay hindi ang mga manlalaro ng ibang bansa, kundi ay ang korapsyon na nakabaon sa sistema mismo. Ang tunay na laban ay nagsisimula muna sa loob ng sariling bansa.
Comments