MULTO SA SH 666: KILALA MONG HINDI LUBOS NA NAGPAPAKILALA
- theoraclejourn
- 3 minutes ago
- 3 min read

Report by Jayane Leslie Feliciano | Graphics by Nikka Joy Gutierrez | Layout by Ken Tipay
Sabi ng mga matatanda, kapag mayroong mga espiritu na sapilitang nananatili sa kalupaan, mga anyo na puno ng kababalaghang hindi maintindihan – lumayo ka nalang. Huwang makihalubilo. Baka ikaw pa ang susunod nilang idadamay sa kailaliman.
Sa Kolehiyo ng Sining at Agham Panlipunan, mayroong kaniya kaniyang katha ang mga mag-aaral tungkol sa mga anyo na hindi mapaliwanag ng karaniwang lohika. Mayroong Chelsea na lumalakbay sa koridor ng Smith Hall, nagsisilbing bantay ngunit ‘di malaman ang pinanggalingan. Mayroon pang tunog ng babaeng kinuha raw ang sariling buhay; ngunit patuloy na binubuhos ang kaniyang puso sa bawat luha sa loob ng CR ng gusaling ito. Ngunit sa likod ng bawat kuwentong nagpapakilabot, mayroong pang patuloy na nakakulong – tahimik. Hindi sigaw, kundi pabulong; hindi panakot kundi panawagan.
“Kilala mo ba ang multo sa SH 666?”
“Hindi, ano yun? White lady nanaman?”
“Hindi, mas totoo. Mas malapit sa akala.”
Nandito siya; nandito sila. Nananahanan ngunit hindi ipinapaalam. Hindi dahil sa nais mapagisa, kundi sa hiya at takot na sila’y hindi maintindihan.
“Lumulutang daw siya; walang sariling paa”
“Kaya naman nila pero bakit ako hindi? Kaya ko naman dati pero bakit ngayon iba?”
Sa sulok ng mga pasilyo, sa byahe pauwi, sa tahimik ng daan sa lakad ng gabi – mga tanong na ito’y kusang lumalabas matapos ang mga araw na puno ng ingay sa pang-akademikong gusali. Saksi ang sariling kwarto sa mga oras na ginugol sa paulit-ulit na pagbabasa sa iisang talata upang maintindihan lamang ng pagod na utak ang “madali” daw na konsepto ayon sa mga kaibigan niya.
Siguro’y kulang sa puyat – siguro’y kulang lang sa tiyaga. Lahat ng “siguro” naubos na ngunit kahit sagarin pa ang katawan, napupunta ang “lahat” sa “wala.” Sabi nga nila, iba na raw ang hangin sa kolehiyo – hindi sapat ang “sapat” na kayang ibigay ng nakaraang sarili sa harap ng isang sistemang nananakal sa mga anyong lumulutang lamang sa hangin; hirap na makatapak sa isang matatag na pundasyon para sa sarili.
“Mayroon daw siyang naiwang sugat sa nakaraan”
“Wala pangalan ko sa listahan ng mga nangunguna. Wala ang pagkakataong pinangako ko para sa sarili ko at sa iba.”
Kaydali na lamang sabihin na hindi sukatan ng halaga ang mga bagay tulad ng grado o katayuan sa departamento. Madali lamang na marinig na ang edukasyon ay hindi dapat ginagawang paligsahan. Ngunit kapag buong buhay na ang nilaan para lamang sa iisang aspeto na ito – para sa akademikong karangalan, para sa tagumpay – kasabay ng paglabo ng mga pinangarap ay siya rin ang pagliit ng paningin sa sarili. Hindi dahil sa kabiguang tanggapin ang pagbabago, kundi dahil sa bigat ng mga inaasahan – mula sa pamilya, mula sa mga taong matagal na nagsasabing taos-puso silang nagtitiwala saiyo, at higit sa lahat, mula sa sarili na mas nakakaalam tungkol sa ano pa ang kaya mo “sanang” gawin pa.
Parang multong di nakikita sa mata, ang sugat na ito’y di dumudugo sa harap ng mga madla. Nananahan ito sa tahimik na gabi, sa harap ng mga listahan ng mga layuning hindi-nabigyang katuparan, at sa harap ng mga pagkakataong paulit-ulit na nawala kahit buong puso mo itong pinaghirapan.
“Kilala mo ba ang multo sa SH 666?”
“Baka nga…”
“Puwedeng kakilala mo siya, pero hindi lubos na nagpapakilala”
“…”
“…O baka, ikaw yun…”



Comments