Report by Mandie Asejo | Photos by Leanna Kaylee Manuel
Madalas itanong sa isang bata kung ano ang pangarap niya sa kanyang paglaki—maging guro, pulis, piloto, o anuman ang nais niyang marating. Sabi nga nila, libre lamang ang mangarap, at mahalagang pagtuunan ang abot-kamay na pangarap na ito.
Isa, dalawa, tatlo—binibilang ang bawat numero. A, e, i, o, u—mga salitang paulit-ulit na binibigkas. Sa loob ng isang lugar na itinuturing na tahanan ng pagkatuto, naroon ang espasyo na nagbibigay ng pag-asa at kaginhawaan.
Paglalakbay ng Pagkatuto
Ang Sitio Malasa ay isang komunidad ng mga katutubong Aeta na matatagpuan sa kabundukan ng Bamban, Tarlac. Bahagi ito ng Barangay Anupul, na nahahati sa iba't ibang sitio, at dito nagsimula ang programa ng mga mag-aaral mula sa Bachelor of Arts in Communication ng Tarlac State University.
Ang programang ito, na may pamagat na "COMMATok sa Puso ng Kabataan: Hatid Edukasyong Gabay sa Kinabukasan," ay naglalayong magbigay ng tulong at serbisyo sa komunidad ng Sitio Malasa. Dito nagsimula ang kanilang misyon na maghatid ng edukasyon at inspirasyon sa mga kabataan ng lugar.
Nagsimula ang lahat sa ilalim ng mainit na araw sa lungsod ng Tarlac, kung saan nagtitinda ng gulay at prutas si Nanay Iday Ocampo. Isinalaysay ni Nanay Iday ang kanyang mga karanasan sa pagtitinda, na naging inspirasyon upang magsimula ang paglalakbay patungong Sitio Malasa.
Sa mga kwento ni Nanay Iday, umusbong ang isang pagnanasang nag-aalab na apoy sa mga mag-aaral, isang pagnanasa na hindi kayang tupukin ng kahit anong hadlang. Ang kanyang mga kwento ay nagbigay daan sa isang layunin na nagbigay saysay at direksyon sa kanilang misyon.
Kasama ang kanilang guro sa Development Communication na si Ms. Angel Saludez, 56 na mag-aaral ang nagtungo sa Sitio Malasa upang makapaghatid ng inspirasyon at serbisyo sa mga bata. Ang kanilang proyekto ay nakatuon sa mga layunin ng Sustainable Development Goals (SDG) 3 at 4, na may kinalaman sa Good Health and Well-being at Quality Education.
Layunin nilang isulong ang malusog na pamumuhay at maayos na kalinisan sa komunidad, pati na rin ang pagbibigay ng mas maginhawang espasyo para sa pagkatuto ng mga kabataan. Ang kanilang proyekto ay nagsilbing tulay upang matulungan ang mga bata sa kanilang landas patungo sa tagumpay.
Gabay ng Pagmamahal sa Pagkatuto
Si Lucy Acosta Guya, o mas kilala bilang "Madam Lucy," ay isang guro na nagtuturo sa Daycare Center sa loob ng mahigit tatlumpu't isang taon. May 32 mag-aaral siya sa kasalukuyan at siya rin ay naninirahan sa Sitio Malasa, kung saan nagsimula ang kanyang pagtuturo.
Isinalaysay ni Madam Lucy ang mga pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral sa kanilang paaralan. Kabilang dito ang mga upuan, lamesa, electric fan para sa init ng panahon, at iba pang gamit na kinakailangan upang mas mapadali ang kanilang pagkatuto.
Ayon kay Madam Lucy, "Kung hindi man mapili ang lugar namin, hindi iyon God's plan. Ibig sabihin, may ibang komunidad na mas nangangailangan sa amin." Subalit, sa pagkakataong ito, ang kanilang komunidad at paaralan ang napili, kaya't labis ang kasiyahan ni Madam Lucy para sa kanyang mga tinuturuan.
Bukod sa Daycare Center, matatagpuan sa Sitio Malasa ang isang Integrated School na nagsisilbi mula Kinder hanggang High School na pinamumunuan ni Ferdinand Marcos. Ang paaralang ito ay may anim na silid-aralan at mga extension school sa karagdagan.
May kabuuang 402 mag-aaral sa paaralang ito: 338 mula sa Kinder at Elementarya, at 64 sa High School. Ang bilang ng mga mag-aaral ay sumasalamin sa kakulangan ng mga pasilidad at kagamitan sa mga paaralan sa bansa.
Pagtutulungan at Pagkakaisa
Sa pagtutulungan at pagkakaisa ng mga AB Comm students, naglaan sila ng oras at pagod upang makalikom ng malaking halaga ng pera para makabili ng mga kagamitang ipamamahagi bilang regalo sa mga bata. Kasama sa mga binili nila ang electric fans, upuan at lamesa, whiteboard, mattress, school supplies, at health kit materials na itatangi nila para sa komunidad ng Malasa.
Dahil sa dami ng bilang ng mga mag-aaral, ang Daycare at Kinder lamang ang nabigyan ng mga school supplies at health kit materials. Gayunpaman, bawat silid-aralan ay nilagyan ng mga electric fan upang matiyak ang kaginhawahan ng mga mag-aaral habang sila ay nag-aaral.
Hindi naging madali ang pagpaplano at pag-aksyon upang maisakatuparan ang mga layuning ito. Pinagdaanan nila ang iba't ibang paraan ng paglikom ng pondo tulad ng pag-awit ng mga carol sa mga bahay-bahay, pagtinda ng mga ukay-ukay na damit, at paggawa ng mga handmade pins.
Sa pagtutulungan at sama-samang pagsusumikap, walang nag-atubiling tumulong at kumapit upang matupad ang pangako sa mga bata. Ang bawat isa ay nagbigay ng kanilang makakaya upang maisakatuparan ang layuning magdulot ng saya para sa komunidad.
Nagbigay sila ng kaalaman tulad ng tamang paraan ng pagsisipilyo at paghugas ng kamay, na itinuro nina Leanna Kaylee Manuel at Lawrence Ragojos. Isinagawa rin ang isang storytelling o malikhaing pagkukwento para sa mga bata na pinangunahan ni Maria Fe Valdez, na may temang "Agawang Base."
Naging makulay at masaya ang programa sa pamumuno ni Patrick Frias bilang host speaker, kung saan nagkaroon ng masiglang interaksyon para sa mga bata. Nagbigay ng mensahe si Marcos, at sumunod sa kanya si Kapitan Ogie Garcia, ang chieftain ng Malasa, at si Madam Lucy.
At sa pagtatapos ng programa, nagtipon-tipon ang lahat upang magbigay ng kanilang mga regalong hatid pag-asa at kasiyahan sa mga bata ng Malasa. Ang mga simpleng handog na ito ay nagsilbing simbolo ng pagkakaisa at malasakit—isang patunay na sa bawat pagkilos, mayroong pag-ibig at pag-asa para sa mas maliwanag na bukas.
Pagbukas ng Puso at Pag-asa
Ayon nga sa kanilang awit, "Pagbuksan ang mga pusong kumakatok." Ang programang ito ay isang patunay na sa simpleng pagkilos, maaari tayong magbigay ng liwanag sa buhay ng iba.
Sa bawat ngiti at pag-asa na nakita sa mga mata ng mga bata, naging makulay at mas matagumpay ang kanilang paglalakbay. Sa pagtutulungan, naipakita natin ang tunay na diwa ng malasakit at pagkakaisa.
コメント