Mga Langgam sa Ulan
- theoraclejourn
- Oct 4
- 4 min read

Sa bawat unos, ang unang inaasahan ng langgam ay ang kaniyang punso—hindi lamang bilang tirahan kundi bilang tanggulan laban sa panganib. Ngunit ano ang silbi ng punso kung sa oras ng delubyo, ito mismo ang nagiging dahilan ng pagkakalunod ng kaniyang mga inaalagaan? Ang bawat patak ng ulan ay tila paalala na hindi sapat ang mga salitang pangako kung wala itong kaakibat na maagap na pagkilos.
At sa tuwing bumabagsak ang langit, ang tanong ay laging pareho: handa ba ang punso, o hahayaan nitong lunurin ang mga langgam bago pa ito kumilos? Sa kasamaang-palad, tila malinaw na malinaw—lagi tayong nahuhuli sa laban, at lagi na lang huli ang desisyon.
Biglaang Pag-antala
Noong Oktubre 3, 2025, naglabas ng Advisory No. 30 ang Office of the University President (OUP) na nagsususpinde ng klase bandang alas-3 nang hapon dahil sa pananalasa ng Bagyong Paolo. Ngunit sa oras na iyon, maraming mga mag-aaral na ang hindi makaalis dahil sa baha, nababasa ng ulan, at nagtatangkang makahanap ng masasakyan pauwi. Sa halip na maging paunang kalasag, ang suspensyon ay naging huling bala—isang desisyong dumating nang huli para mailigtas ang marami.
Hindi ito natatanging pangyayari. Noong Agosto 26, 2025, parehong problema ang nangyari: mahahabang pila, basa at pagod na katawan, at dagdag gastos sa pamasahe. Ang late suspension ay hindi na isolated case, kundi tila sistemang nakasanayan na.
Ang Batas at Ang Kabiguan
Sa ilalim ng Executive Order No. 66 (s. 2012), malinaw ang pamantayan: awtomatikong suspendido ang preschool kapag Signal No. 1; kapag Signal No. 2 naman, kasama na ang preschool hanggang high school; at kung Signal No. 3 o mas mataas, suspendido na ang lahat mula preschool hanggang graduate school, pati na rin ang trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan.
At higit pa rito, malinaw sa EO 66 na dapat mailabas ang mga anunsyo ng PAGASA at NDRRMC na hindi lalampas sa 10:00 PM ng nakaraang araw o 4:30 AM ng mismong araw. Kung suspension naman ay sa hapon lamang, dapat malinaw ang abiso na hindi lalampas sa 11:00 AM. Ngunit sa TSU, 2:50 PM pa lamang inilabas ang abiso, sa madaling sabi, ang kabiguan ng pamahalaan ay hindi lamang kapabayaan, kundi pagsuway mismo sa umiiral na batas.
Bukod pa rito, kahit sa ibang lugar na hindi pa umaabot sa mas mataas na signal number, nagkansela na ng klase bilang paghahanda at pag-iingat. Ito ang dapat tularan, sapagkat hindi lahat ng mag-aaral ay taga-Tarlac City; marami ang galing sa malalayong bayan at araw-araw na nag-uuwian, lalo na ang mga hindi nakatira sa dormitoryo. Kapag sabay-sabay na pinauuwi ang lahat, nagiging siksikan ang mga sasakyan, at lalong nadadagdagan ang pagod at panganib ng mga estudyanteng basang-basa na sa ulan bago pa man makauwi.
Kawalan ng Silungan at Proteksyon
Sa halip na magsilbing kanlungan, ang pamantasan ay tila naging lansangan ng pamimilit. Maraming magaaral ang nag-ulat na pinalabas sila ng gusali kahit walang payong at kahit patuloy ang buhos ng ulan. Ang dapat na tahanan ng kaligtasan ay biglang naging tagapagtaboy, isang punso na hindi handang ipagtanggol ang sariling langgam.
Sa pahayag ng Supreme Student Council (SSC), kanilang sinabi, “Ito ay malinaw na porma ng panggigipit at pagpapabaya sa batayang karapatan ng mga estudyante. Ang paaralan, na dapat nagsisilbing ligtas na kanlungan, ay naging lugar ng kawalan ng malasakit at disorganisasyon.”
Hindi natatapos ang tungkulin ng pamantasan sa sandaling tawagin ang pagtatapos ng klase. Sa mga panahong kagaya ng kalamidad, mas lalong lumalalim ang obligasyon nitong maging kanlungan, hindi lamang ng kaalaman, kundi ng mismong kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.
Ang Katawang Walang Kalasag
Ang bawat basang katawan ay may kasamang panganib: lagnat, ubo, trangkaso, at mas seryosong banta gaya ng leptospirosis at dengue. Ang paglalakad sa baha ay hindi lamang simpleng abala kundi isang direktang panganib sa kalusugan ng maraming mag-aaral. Sabihin na natin ang kawalan ng maagang desisyon ay maaaring magdulot ng pagkakasakit ng ilan, at dagdag na pasanin para sa mga magulang.
Kung tunay na kalusugan ang nais pangalagaan ng suspensyon, bakit ipinalasap muna ang panganib bago gumawa ng aksyon? Ang huling pasya ay hindi proteksyon kundi panganib na ipinataw mismo ng sistema.
Pananagutan ng Lokal na Pamahalaan
Malinaw na malaking kakulangan ang nakikita sa City at Provincial Government ng Tarlac. Kung may gantimpala para sa pagiging huli at manhid, sila na marahil ang maituturing na kampeon. Kapansin-pansin na kapag panahon ng eleksyon, napakabilis nilang magdeklara ng suspensyon; ngunit kapag tunay na kaligtasan na ang nakataya, bigla silang nagiging mailap at tahimik.
Ayon pa sa EO 66, tungkulin ng Local Chief Executive bilang pinuno ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC) na mag-anunsyo ng localized suspensions bago ang 4:30 AM o 11:00 AM. Ang katahimikan at kawalan ng agarang aksyon ng LGU ay malinaw na pagtalikod sa tungkuling sinumpaan nila.
Karapatan, Hindi Pribilehiyo
Ang transportasyon at silungan ay batayang serbisyo na karapatan ng mga estudyante, at nararapat lamang na maipadama ito nang walang dagdag na pahirap o pasanin. Kung ang mga batayang pangangailangan ay hindi naibibigay, anong klase ng pamamahala ang ating nasasaksihan? Ang kaligtasan at karapatan ay hindi maaaring iasa sa huling minuto o sa mabagal na proseso—ito ay dapat inuuna.
Ang mga organisasyon gaya ng TSU-KNY at TSU-SSS ay mariin ding kinondena ang kapabayaan ng pamantasan at ng lokal na pamahalaan. Ang kanilang panawagan ay malinaw: maaga, organisado, at makataong sistema ng suspensyon—isang hakbang na inuuna ang buhay bago ang lahat.
Ang Langgam at ang Punso
Ang suspensyon ng klase ay dapat na maagang anunsyo ng malasakit, hindi huling bala ng kalituhan. Ayon mismo sa batas, malinaw na may oras at proseso na dapat sundin. Ngunit habang nananatiling huli ang kanilang bawat pasya, ang mga estudyanteng langgam ay mananatiling naglalakad sa baha, basang-basa at walang mapuntahan.
At kung patuloy na babalewalain ang hinaing, huwag na sanang asahan na ang mga langgam ay mananatiling tahimik. Sa huli, muling sumisigaw ang kabataan: Hindi pribilehiyo ang kaligtasan—ito ay karapatan.



Comments