Lingkod ba ‘yan?
- theoraclejourn
- Sep 30
- 5 min read

Report by Ken Tipay | Cartoon by Wacky Iñiego Dimyao | Layout by Joaquin Umali
Ang mga inaaasahang lingkod bayan na silang nararapat na humalili at magsilbi sa ating mga sibilyan ay sila pang ating pinagsisilbihan, kaya nakapagtataka kung sino ang tunay na sibilyan sa sibilisasyong ito.
Sa isinagawang peace rally ukol sa mga isyung inilantad dahil sa korapsyon sa bansa, alinsabay nito ang komemorasyon sa ika-53 anibersaryo ng Martial Law mula sa madugo at mapangahas na diktadurya ni Ferdinand Marcos Sr. tuwing sumasapit ang ika-21 ng Setyembre, hindi lamang alaala ng Martial Law ang bumabalik, kundi ang malagim na mga simapit ng biktima nito— ang mga taong pinatahimik ng matutulis na kuko ng batas at pinadanak ang dugo sa lupaing sumisigaw ng hustisya at awa.
Ang naturang pagtitipon ay nahati sa dalawang yugto; Baha sa Luneta: Aksyon na laban sa korapsyon na ginanap sa Luneta Park, at ang Trillion Peso March sa EDSA People Power Monument upang sanib-puwersang isigaw sa mundo ang pagtutol ng mamamayang Pilipino sa mga nangyayaring korapsyon sa bansa, mga maruming trabaho, at mapanlinlang na mga gawa, gayundin ang protestang hindi lamang ng mga kabataan, kundi ng buong bisig na pagtutulungan upang panagutin ang Pangulong Bongbong Marcos at Bise Presidente Sara Duterte sa ilalim ng kanilang pamumuno na malinaw na hindi nagustuhan at hindi sumapat para sa hinahangad na uhaw at gutom ng mga Pilipino para sa mapayapa at mahustisyang pamamalakad sa bansa.
Dahil sa pagliyab ng pagkamuhi sa gobyerno, hindi naiwasan ang gulo. Isa muling madugo at nakasusulasok na alitan sa pagitan ng mga nagbabayad ng buwis na siyang bumubuhay sa gobyerno—ang mga mamamayang nagpoproteka ng kalayaan, at ang kapulisang nagpapanatili ng kapayapaan.
Itinalaga ang kapulisan upang panatilihin ang kapayaan at magmasid sa isinagawang rally kontra korapsyon, ngunit biglang umihip ang hangin sa ibang direksyon, at sumiklab ang alitan ng ilang nagpoprotesta at ang kapulisan. Isang gulo na sinimulan ng isang hindi matukoy na grupo. Sunog, putok ng baril, at mga pagsabog ang umalingawngaw sa kapaligiran sa gitna ng payapang pagtindig ng mamamayan, bago ang pagkagat ng dilim ay bumaha ng malalagim na balitang may mga hinuli at pinagtulungang abusuhin ang mga ito, na tila nadamay na rin pati ang mapayapang pagtinding para sa bayan.
Gayundin din ang pagpapaputok ng mga baril ng kapulisang mariin nilang itinatanggi, mga taong pinaghahanap ang ilang mga mag-aaral sa kani-kanilang mga tinutuluyang dorms, at mga madugong balita ukol sa pagpatay sa mga raliyista.
Ngunit ang malaking katanungan, ang mamamayan nga ba at ang kapulisan ang tunay na magkaaway na silang nagpapalamon sa mga gahamang nakaupo sa puwesto? O baka naman ito ninanais nilang makita, ang magkabuklod-buklod tayo upang maikubli ang kanilang mga plano, upang makagawa pa ng mga panloloko.
Sa ilang taong pangakong nakabibingi mula sa mga lumipas at kasalukuyang administrasyon, hindi na mabilang ang mga proyektong ipinagyayabang sa mamamayan tungkol sa flood control projects na nakapagtatakang tila bilang lamang sa kamay ang napagtagumpayang ito. Maaalala mula sa nakalipas na ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 28, 2025, nabanggit nito ang ilang mga matagumpay na proyektong flood control sa iba't ibang lugar sa bansa.
Nang biglang Humagupit ang bayong Emong, lumantad noong Agosto 4, 2025 ang resulalta ng pananalanta at paninira sa mga kagamitan, istraktura, at sakahan ng mga Pilipino, subalit ang mas katakot takot na pasalubong ng bagyong ito ay ang malakihang pagbaha. Dahil dito, naungkat ang nabanggit ng Pangulo ukol sa flood control projects na hindi madama ng sambayanan—na parang malamig lamang na simoy ng hangin na dumaan, hindi mo na nga’t makita, nanlalamig pa ang madarama. Mula sa mga salitang tila pinadarama ang langit, sa likod ng mga ito ay makulimlim na mga ulap, at sa sandaling puno na ay babagsak at babagsak din ang ulan sa mga pagkakataong hindi inaasahan.
Alinsabay ng isyung ito ay ang pagkadawit ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga kasong korapsyon sa bansa, mula sa mga contractors na sila ring inilantad at isipapubliko at ang mga humawak ng mga proyektong palpak at mas malamya pa sa bahay na gawa sa kawayan. Mula sa paggamit ng mga substandard materials sa paggawa ng mga projects, dikes, at mga kanal, hanggang sa konstruksyon ng mga ito, nagresulta ito ng malaking kahibangan sa publiko dahil sa palyadong pagkakagawa at dali-daliang nasira at nawasak ang mga ito. Sa pag-iimbestiga pa ng Pangulong Marcos, natuklasan nitong may mga "Ghost projects" na pinondohan ng mliyun-milyong piso, mga proyektong nakatiwangwang, walang aksyon, progreso, at pag-asenso. Dahilan upang mas lumalim pa ang mga kasong korapsyon sa Pilipinas.
Ayon pa sa datos ng Department of Finance, inilabas ni Secretary Ralph Recto mula sa pagdinig sa senado noong Setyembre 2, 2025; mula taong 2023 hanggang 2025, ay may 25% hanggang 70% o mahigit ₱42.3 bilyon hanggang ₱118.5 bilyon ang natapyas sa badyet ng bansa at ang kabuuang gastos sa ilang proyekto sa maanomalyang flood control projects ang umano’y hindi napupunta sa aktwal na konstruksyon, kundi napupunta sa ghost projects. Patunay na lantaran ang pangungurakot ng mga nakatataas, walang humpay sa pagpapahirap sa bansa at patuloy na nilulugmok ang ekonomiyang bumubuhay sa mga Pilipino.
Nabanggit din ni Senador Panfilo “Ping” Lacson sa budget ng flood control projects, may “pie-sharing” scheme: parte ng pera ay napupunta sa mga opisyal ng DPWH, sa Bids and Awards Committee, sa mga lokal na politiko, at sa mismong mga “funder” o mambabatas. Ang resulta, mas kaunti sa 40% lang ng budget ang aktwal na napupunta para sa konstruksyon.
Sa pagsasapubliko ng mga top construction companies na kinurakot ang mga pondo ng mga flood control projects, muling umingay ang boses ng mga Pilipino, mas nagningas ang apoy na nagpapagalit dahil sa 'di mawaring panghuhuthot ng gobyerno mula sa mamamayan nito—isa ring daan upang mabuksan ang panibagong kaso ukol sa mga contractors na umuubos sa pondo ng proyekto.
Hindi lang buwis at salapi ang nasasayang at napupunta sa wala, kundi napupunta rin sa panganib ang kalagayan ng mga Pilipino. Mula sa mga taumbayan na nalulunod sa baha, patuloy at paulit-ulit na bumabalik ang bangungot ng kahirapan dahil sa kasakiman ng mga namumuno. Walang pagbabago kung mananatili ang kadilimang sumasakal sa lalamunan ng sambayanan. Sigaw ng bayan, panagutin ang may sala, sugpuin ang korapsyon.
Ang mga bilyones na nawawala ay nasa malaking katanungan pa rin kung nawawala nga ba o napunta lamang sa bulsa ng iba? Maaaring ang kasagutan ay nakikita lamang din ng ating mga mata , naririnig ng ating mga tainga, at nararamdam natin ang kakunatan ng mga serbisyo sa bansa.
Ang mga Pilipino ay tulad ng tubig, kalmado kung hindi nakakabig at nagugulo, ngunit sa oras na nabulabog ang katahimikan at napigilan ang pagdaloy ng kalayaan, tiyak na babaha ang mga ito sa mga kalye at kalsada; tulad ng tubig baha, ang mga Pilipino'y kayang palubugin ang sino mang matatayog na taong humahadlang sa agos ng kapayapaan.
Tayo ang nagbabayad ng buwis para sa lahat ng bagay na ating kailangan, tayo ang lahat na gumagawa, dahil Tao ang lakas, at tayo ang lakas. T apang ng loob ang puhunan, boses ang sandata, at tanging batas lamang ang pananggalang, nararapat na nasa atin ang kapangyarihan, subalit tayo pa rin ang patuloy na namumulubi sa ating sariling bansa.
Sa nagdaang araw na ipinamalas ang naglalagablab na sigaw sa mga kalye ng bansa, sa mga pagkakataong nahahamak ang mga indibidwal dahil sa malayang paglantad ng makatotohanang laban,
nawa’y maitatak—hindi lang sa ating mga puso’t isipan—na hindi natatapos ang totoong laban hangga’t walang pananagutan. Mula sa sigaw, pagsusumamo, at paghamon ng mga Pilipino, ipahimas ng rehas mga mapagbalat-kayong kulay ng kasakiman—alamin kung sino ang lehitimong lingkod bayan upang hindi laging napapatanong ng “lingkod ba ‘yan?”



Comments