Kwentong Powerlifting: Lunas at Lakas sa Isip
- theoraclejourn
- Oct 25
- 5 min read

Report by Chino Brendon Tangonan | Graphics by Mandie Asejo | Layout by Arlon Kert Basilio
“Buhat pangarap? Malusog na isip at katawan.”
Pagtapak sa plataporma, habang umaalingawngaw ang hiyaw ng mga tagasuporta, sandaling iiwan ang mga bagahe’y pasan-pasan. Pipiliting patahimikin ang mga boses sa isip galing sa anino ng takot at pagdududa sa sarili. Hahawak nang mahigpit sa bar, sabay buhat at taas ng mga pabigat—kasama ang bawat kilo ng kanilang mithii’t pangarap. Ito ang buhay ng isang powerlifter: ang bawat bigat ng barbell ay anino ng pagsusumikap, pagsasakripisyo, at katatagan ng katawan at pag-iisip ng mga atleta.
Ang powerlifting ay isang uri ng isports na binubuo ng Squats, Bench Press, at Deadlift (SBD) na unang isinagawa sa Estados Unidos noong 1964. Ito naman ay unang ipinakilala ni Tony Taguibao sa Pilipinas noong 1980 at matapos ang dalawang taon ay nabuo na ang Powerlifting Association of the Philippines (PAP) na may akreditasyon ng National Sports Association at kinikilala ng Philippine Olympic Committee (POC) bilang miyembro. Sa kasalukuyan, isa sa pinakatanyag na powerlifter ay si Joyce Gail Reboton na may hawak ng rekord sa Pilipinas at buong Asya mula noong 2016.
Katulad sa ibang isports, ang powerlifting ay mapanghamon sa kalusugan ng mga manlalaro, hindi lamang sa pisikal subalit pati na rin sa kanilang pangkaisipang kalusugan. Sa loob ng Smith Hall, matatagpuan ang mga makikisig at matipunong powerlifers ng Tarlac State University (TSU) Powerlifting Club mula sa College of Arts and Social Sciences (CASS) na sina Reniel Suba mula sa AB English Language Studies at si Earl Jeanson Gambito mula sa AB Psychology. Kanilang ibinahagi ang kanilang mga kuwento ng pagbubuhat habang binibitawan ang mga pasan na problema sa kanilang buhay.
Para sa kanila, ang powerlifting ay tila isang larangan kung saan sila ay malayang pakawalan ang lahat ng stress, anxiety, at iba pang mga bumabagabag sa kanilang isipan. Kasabay ng pagbuhat ay ang paghupa ng mga negatibong pakiramdam sa kanilang isip, na para bang hagod ng kaginhawaan sa kanila. Masakit man sa katawan matapos magbuhat, subalit magaan naman sa pakiramdam at kaisipan.
"It's my kind of coping mechanism: releasing all my negative emotions into lifting. It's keeping me from breaking," ibinahagi ni Earl, 19-taong-gulang, tungkol sa kaniyang relasyon sa powerlifting.
Dagdag pa nila, isa ito sa bumuo ng kanilang kumpyansa sa sarili, pati na rin ng disiplina sa kanila bilang isang manlalaro at isang estudyante. Tila isang mapa na gumagabay sa kanila habang binabayo ang kanilang landas bilang mga batang atleta at batang mag-aaral. Isang basag na linya sa pagbubuhat ang "mind-muscle connection" subalit ito rin ay isang napakalaking gabay sa mga atleta sapagkat ayon sa kanila, ang estado ng kanilang kaisipan ay may malaking epekto sa kanilang lakas sa pagbubuhat. Kaya naman ganoon na lamang kahalaga para sa kanila ang balanseng kalusugan mula sa pag-iisip hanggang sa pakikitungo sa iba.
Ika ni Reniel, isa ring 19-taong-gulang, "based on my experiences sa sport, mas tumaas yung respect ko sa sarili ko and mas naging patience ako inside and outside sa sport. Love the sport talaga, kasi powerlifting has been essential for my mental well-being. While it can be frustrating when I don't hit my target numbers, I recognize that's part of the sport. On the whole, powerlifting has greatly supported my physical, emotional, and mental health."
Subalit sa kabila nito, ang powerlifting ay mayroon ding mga aninong hindi nakikita ng nakararami, subalit nadarama ng mga atleta.
Barbell Plates
Malaking bahagi ng powerlifting ang mga plates na siyang pabigat sa mga barbell. Kung ihahalintulad sa mental health, ito ay tila katulad ng mga problemang kailangang matutunan ng mga atletang buhatin at malampasan..
Isa sa mga problemang ito na parehong ibinahagi nina Earl at Reniel ay ang mamahaling kagamitan, gears at ang mga demands ng isports na ito sa katulad sa diet at iba pang aspektong pisikal.
"My love for powerlifting is bittersweet. As a student, sa pagkain mo pa lang, ubos na allowance, isama mo pa yung mga napakamahal na gears. Kaya kung mas fortunate ka pa, hindi mo na kailangan isipin saan ka kukuha ng funds," sinabi ni Earl.
Dagdag ito sa kanilang mga gawaing pang-eskwela at bilang isa ring anak. Kasama na rin ang pressure na dala ng kompetisyon at mga kasama nitong demand. Kaya naman tila patong-patong ang kanilang mga pasanin bilang atleta. Mabuti na lamang at sila ay sanay sa "progressive overloading" o ang paunti-unting pagdagdag ng binubuhat upang mabuo ang kanilang lakas. Subalit dahil dito, sila rin ay kadalasang nagkakaroon ng "failed lifts" o iyong mga pagpasan at buhat na hindi kinaya ng kanilang katawan at isipan.
Subalit kung walang failed lifts, wala ring PR o Personal na Rekord. Ang pagkabigo ay isa sa mga peligrong dala ng pagkamit ng tagumpay sa laro at sa buhay. At sa panahon ng failed lifts, ang mga manlalarong ito ay mayroong mga spotter o iyong mga nagbabantay sa nagbubuhat at handang sumalo o tumulong sa kanila kung hindi na nila kayanin ang bigat na kanilang pasan-pasan.
Spotters sa Totoong Buhay
Ayon sa nakararami, sa pakikibaka sa isports at sa buhay, mahalaga ang magkaroon ng mga taong handang sumuporta sa panahon ng pagkabigo, na para bang mga spotter sa totoong buhay. At ayon kina Earl at Reniel, ganito ang ibinigay sa kanila ng TSU Powerlifting Club. Tila isang kapatiran na sumusuporta sa kanila sa loob at labas ng powerlifting competition.
Ibinahagi ni Reniel na sa kaniyang unang sabak sa competition, marami siyang biniling kagamitan subalit siya'y nagkulang pa rin. Mabuti na lamang ay pinahiram siya ng kaniyang mga kasamahan sa kanilang club.
"I realized that this sport is not individual. It's not about how much you lift, it's the friendship we've made along the journey," ika ni Reniel.
Ikunuwento rin ni Earl na talaga namang malaking bahagi ng paglalaro ay ang pagkilala sa maraming tao upang mahasa’t matuto. Siya ay may malaking pasasalamat at paghanga sa kapitan ng kanilang grupo na si Ken Austria. Ayon sa kaniya, si Kapt. Ken ay napakatalentado hindi lamang sa larangan ng isports kundi pati na rin sa musika at pagsulat. Dagdag pa rito, sa kabila ng kaniyang siksik na iskedyul, hindi niya napapabayaan at laging nasusuportahan ang bawat isa sa kanilang grupo.
"You'll never learn in a small box. Hindi lang naman lahat ay nasa isang lugar kaya kailangan mo mag-step out sa box na yun to meet and train with other people," wika ni Earl.
Samantala, ibinahagi rin ng mga atleta ang kanilang mga paparating na kompetisyon kagaya ng PSPL Luzon Powerlifting Cup sa Oktubre, at National Interschool Powerlifting Cup sa susunod na taon.
Ang mental health ay talaga namang kakambal ng physical health na siyang puhunan ng mga atleta. Ito ay nangangailangan ng matiyaga at pursigidong pagsasanay upang maging master sa iyong isports. Gaya ng sabi ni Earl, "Don't rush something, wait until it's supposed to happen. But whatever the outcome is, standby your choice. Gamble kumbaga, kasi what if it's worth it?"
Dahil sa isports at mental health, walang tinatawag na beginner’s luck. Kailangan mong matutunang hulihin ang iyong emosyon at mga talento upang magamit ito bilang iyong alas sa pakikipaglaban sa kompetisyon at sa buhay.



Comments