top of page

Home Alone: Namatay ang pasko sabay ng iyong pagtanda

  • Writer: theoraclejourn
    theoraclejourn
  • Dec 30, 2025
  • 3 min read

Report by Lexter Kian Pamintuan | Graphics by Diya Nicole Gurung | Layout by Nikka Gutierrez


“I made my Family Disappear!” isang Linyang tumatak na sa puso ng mga batang 90s, sinambit mula sa pelikulang Home alone (1990) na idinerekta ni Chris Columbus—sinusundan nito ang kwento ng isang walong-taong gulang na si Kevin na naiwan sa kanyang bahay nang nakalimutan siyang isama ng kanyang pamilya patungong Paris—at doon ay nasaksihan na Kevin ang mga katawa tawa at mga pangyayaring mapapaisip ka nalang na “Huh? Pelikula talaga to, hindi naman nangyayari sa totoong buhay!”


Pero sa labas ng monitor ng ating mga TV—mayroong ibang inilalahad na aral ang pelikulang Home alone, pinapaalala nito na iba ang pasko kapag tayo ay mga bata.


Ano nga ba ang kwentong Home alone ko?


Tanda ko pa noong una kong napanood ang pelikulang ito, ako’y nasa elementarya pa lamang at kasulukayan ng aming Christmas break—siguro ako ay nasa grade three palamang noong mga panahong iyon. Mag Isa lamang akong nakaupo sa aming sala—habang iniinom ang Milo na timpla ng aking lola.


Nagtaka ako bakit hindi sabay ang bibig ng mga bida sa sinasambit nila. Syempre, bilang isang bata, tayo ay maraming katanungan—tatanungin ko sana ang aking lola kung bakit ganon, pero siya ay abala sa pagtutupi ng aming mga damit.


Tagalog dubbed pala ang tawag roon. Bago ko pa napanood ang orihinal na bersyong ingles ay lumaki ako sa panonood ng mga Filipino dubbed na Christmas movies. Maganda ang Pelikula, nakakatawa—lalo na noong pinakita gaano ka pilyo si Kevin—ang una niyang naisip noong siya ay maiwan ay gawin ang lahat ng pinagbabawal ng kanyang mga magulang—kumain ng junk foods, manood ng telebisyon, at gawin ang kung anong mang nais ng isang bata.


Pero lumabas ang kasukdulan ng kwento noong sinubukan ng pasukin ng dalawang magnanakaw ang kanyang tahanan—na buong puso namang dinepensahan ni Kevin. Noong mga panahong iyon ay naisip ko ang aking mga gagawin kung naiwan din ako ng aking Pamilya; mag isa sa aming tahanan.


Ang una kong gagawin ay inumin ang lahat ng coke sa aming ref, ikalat ang lahat ng aking mga laruan, at syempre, hindi matulog kapag hapon. Napa isip din ako kung ano ang aking gagawin kung mayroong magnanakaw na nagtangkang pumasok sa aming bahay.


Kapag tayo ay bata—nasa isip natin na hawak natin ang mundo; walang imposible. Inimagine ko na ako ay isang super hero—na baka sasaputan ko nalamang ang mga magnanakaw mala spiderman, o kaya naman ay gagamitin ang aking telekinesis na mala Professor X ng x-men.


Pero balik tayo sa realidad. Sa kasalukuyan.


Hindi na tulad ng dati ang Pasko. Hindi ko alam kung ito ba ay dahil hindi na tayo mga bata? Pero sinusubukan kong hilahin pataas ang naramdaman ko noon; isang masayang pasko. Kaya’t hindi ko naiiwasang makaramdam ng lungkot kapag nalalamit na ang pasko, sabi nila ay dapat maging masaya tayo—pero hindi naman tulad ng pasko mo, ang pasko ng iba.


Kung tayo man ay maiwan sa ating mga tahanan ngayon na mag-isa, ay ito ay pangkarinawan nalamang—Inaasahan nila na kaya na nating tumayo sa ating mga sariling paa, na kapag tayo ay naiwan ay tuloy ang pagikot ng mundo—pero nakakalimutan siguro ng nakakarami na naging bata rin tayo—at buhay ang batang iyon sa ating mga puso. Hindi na tayo nag-iimagine na maging superhero, dahil araw-araw na tayong nakikipagsapalaran sa hamon na binibigay ng buhay.


Ngayon sa bawat lungkot, pinapanood ko na lamang ang Home alone—umaasa na nararamdaman ko ang saya ng pasko noong ating kabataan pa. Nasa loob ng Tagalog dubbed na Pelikulang iyon ang alaala ng isang walang taong gulang na bata na minsan ay sumaya sa araw ng pasko.


Baka nga totoo, na hindi na natin dama ang diwa ng pasko kapag tayo ay tumtanda na—pero kailanman ay hindi ito mamamatay. Naroon pa rin ito sa mga bagay na nagpapaalala satin kung ano nga ba talaga ang pasko.


Isang selebrasyon ng mga ala-ala.

 
 
 

Comments


bottom of page