top of page

Hindi patay si Sisa, sapagkat buhay ako, ikaw

  • Writer: theoraclejourn
    theoraclejourn
  • Apr 27
  • 3 min read

Report by Ken Tipay / Graphics by Wacky Dimyao / Layout by Chino Brendon Tangonan


Bawat pahinang akda niJose Rizal ay naglalaman ng mga karakter na sumasalamin sa bawat sistema ng mga Pilipino. Mga makapangyarihan, mahihina, mahihirap, mayayaman, at malaya. Ngunit sa mga akda ng bayani ay hindi kailanman nawawagli sa ating isipan ang isang katauhan—mag-isa, kawawa, at baliw; ang karakter ni Sisa.

Tanging Ina

Si Sisa ay ina nina Crispin at Basilio sa akdang Noli Me Tangere ni Rizal. Isang ina sa dalawang batang sakristan na nahusgahan bilang magnanakaw at sapilitang lumaki sa puder ng kolonyalismo. Nang madakip si Crispin at tumakas si Basilio, nanlumo ang isang ina. Naipit sa pagitan ng pangungulila at pangangamba.

Isang babaeng dinuraan ng kahihiyan at niyurakan ng kalayaan sa lipunan. Hanggang sa nawalan ng tamang wisyo, isang karakter na buhay at patuloy na kumakatawan sa bawat katauhang tanikala’y kanilang sarili. Sa gitna ng bansang nasa ilalim ng kadiliman ng simbahan at makapangyarihang banyaga, siya si Sisa. Walang tinig, mahina, at baliw. Siya si Sisa sapagkat ang kaniyang pagkalaglag ay hindi sa pangungulila, pagkabaliw, o pagiging isang taong walang kapanyarihan. Siya si Sisa bagkus punitin man ang kanyang karakter ay hinding-hindi mawawarak ang tindig nito bilang isang babae, bilang isang ina.

Hulaan kung sino ang totoong baliw

Kilalang nahulog sa pagka-baliw si Sisa dahil sa mga pangyayaring nagdulot ng kadiliman sa kanya, ngunit siya ba ang tunay na baliw? o ang lipunan?

Sa kanyang pagliliwaliw sa gitna ng kagubatan, mga hele na inaawit mula sa kaluluwa na naghahangad ng pagbabalik, tila sarili lamang din nya ang nakaririnig. Malinaw ang mga mata upang matanaw ang tayog ng mga mahal sa buhay, matalas ang tainga upang muling madinig ang tinig ng kanyang mga paslit. Kailanman ay hindi kabaliwan ang paghahangad na matamasa ang tunay na kalayaan, hindi kasiraan ng sarili ang pagiging balisa at pagiging aligaga—nagsisilbi itong patunay na higit sa lahat, pag-ibig ang nananaig.

Ang pagkamatay ni Sisa ay hindi dramatikong tagpo, isa itong simbolo ng katapangan at katatagan. Sa mga panahong gutom, uhaw, at pagod si Sisa sa bulubundukin at kagubatan, ang mga salot sa lipunan ang tunay niyang kalaban. Walang anumang talumpati upang maghayag ng sama ng loob at bigat ng damdamin, sapat nang matagpuan ang isang bangkay ng inang marubdob ang pag-aalala sa mga anak.

Tahimik, walang ingay, at payapang pagpanaw ni Sisa ang siyang naging pinakamalakas na yugto sa akda ni Rizal: kung paano pumaslang ang lipunan sa totoo nitong anyo, pang-aapi at pang-aalipusta.

Boses ni Sisa, boses ng babae, boses ng api

Si Sisa ay hindi lamang postura ng pagiging karakter sa akda ni Rizal. Representasyon ito ng mga hindi pinakikinggan, patas lumaban, at naiiwan upang mawala sa sarili sa gitna ng kawalang-hustisya sa lipunan. Sa kabila nito, bakit laging nalalaglag si Sisa?

Kailanman, noon pa man at habambuhay ay walang sasalo sa isang Sisang laging nahuhulog dahil pilit itong inihuhulog. Walang sasalo dahil sa lipunang tumatangging akuhin ang pagkakamali at katarandaduhan. Walang umaalalay sa mahihina dahil hindi na nakikita ang pakinabang nito, at sa panahong bumagsak na sila, doon mas lalong lumalakas ang boses nila. Nalalaglag ang karakter ni Sisa dahil siya ay mag-isa, binababoy ng sistema, at ulila—hindi lamang sa mga anak, kundi sa hustisya. Ngunit wala mang kakayahang lumaban, may kapangyarihan namang iparamdam ang presensya ng awa at luha. Mga nagsisilbing pananggalang sa lipunang inaapakan ang mga taong walang boses. Si Sisa ang tumindig nang tahimik at matapang. Sapagkat si Sisa ay hindi patay, si Sisa ay maaaring ikaw, ako, tayo.

Sa mga pagkakataong hinahanap ng isang ina ang ng kanyang anak sa paaralan, naroon si Sisa.

Sa mga pagkakataong nakakakita tayo ng taong nananahan sa rehabilitasyon, naroon si Sisa.

Sa mga panahong nakikita natin ang ating mga ina, naroon si Sisa.

Sa mga panahong pakiramdam nating tayo ay mahina at lumuluha, tayo si Sisa


 
 
 

Comments


bottom of page