FEATURES | Pundidong Estrelya
- theoraclejourn
- Dec 25, 2024
- 4 min read

Written by Ellyza Jane Gutierrez | Graphics by Hannah Medina | Layout by Mary Jane Vergara
Pasko na naman, o kay tulin ng araw. Paskong nagdaan, tila ba kung kailan lang. Kapansin-pansin ang mapanglaw na samyong bumabalot sa hangin ng kasalukuyan. Ilang patong man ng damit ang suotin, wala pa ring nagpapahupa sa lamig na dala ng nakababalisang katahimikan nitong mga nakaraang buwan.
Mula nang sumapit ang Setyembre, sa halip na tuwa ay iba ang bumungad sa akin. Pilit kong hinahanap-hanap ang kalansing ng mga tansang sumasaliw sa himig ng kabataan na bumubuhay sa lansangan, ang luningning ng mga parol na nakabitin sa prontera ng mga mumunting tahanan, ang masugid na lipumpon na bumibisita upang pagmasdan ang mga iluminasyon doon sa may liwasan. Saan man magtungo ang sipat ay isa lang ang ipinapahiwatig nito sa akin – kupas na ang dating makulay na kapaskuhan. Tayo ba’y tumatanda na para sa Pasko o sadyang nagbago na lang ang daloy ng panahon at tuluyan nang namatay ang tunay na diwa nito?
Ligaya sa kawalang-muwang
“Mamamasko po!” bati nina inay at itay habang papasok sa tarangkahan ng bahay nina lolo’t lola. Kasabay nito ay ang pagsalubong ng mga kamag-anak na nagtitipon-tipon sa may balkonahe. Mistulang imahe ng isang ulirang kapaskuhan – mula sa pagmamano sa mga nakatatandang isang beses sa isang taon mo lamang makikita, hanggang sa pagsasalo-salo sa malapad na hapag na singkad sa putaheng matitikman mo lamang tuwing noche buena. Kung dati’y abot langit ang pananabik na nadarama tuwing sasapit ang Pasko, ngayon ay para bang ordinaryong araw na lamang ito na dumadaan nang walang iniiwang anino. Tila napakahirap ipagdiwang ang kapaskuhan matapos tastasin ng reyalidad ang piring na dating nakatakip sa aking mga mata na ngayo’y mulat na sa mga dilemang matagal na palang bumabagabag sa aking mga magulang, at kalaunan ay sa akin din. Sa bawat numerong dumadagdag sa edad ay siyang doble ng sidhi ng mga suliraning kinakaharap. Kung minsa’y parang nakakapa ko na rin ang maliliit na lubak ng puso na inaasam-asam ang lantay na kasiyahang natatamasa tuwing makakatanggap ng simpleng regalo o di kaya’y pulang sobreng may kalakip na salapi noong ako’y musmos pa lamang.
Higit pa sa kahilingang maibalik ang nakaraang kailan ma’y hindi pagbibigyan ng kalangitan, kumpletuhin man ang siyam na araw ng Simbang Gabi, nakadantay pa rin sa mga balikat ang bigat na dala ng mabuway na kinabukasan. Kung naunawaan ko lamang ang mapait na katotohanang kaakibat ng pagtungtong sa hustong gulang, hindi ko na sana ibinayad pa ang aking kamangmangan. Sabihin man nating impluwensya lamang ng galimgim ang kahapisang umiiral sa kasalukuyan, paano kung hindi lamang pala ang ating edad ang nagbago, kundi pati ang ikot ng mundo? Paano kung ang aking kinukuyom na damdamin ay isa palang pangkalahatang karanasan na sumusupil sa Pasko nating mga Pilipino?
Maputlang ispageti ni nanay
“Iba na yung Pasko ngayon kasi, kung dati, marami pa kong mapapakain sa kanila, ngayon, parang ispageti na lang kaya kong ihanda, tapos parang kulang pa” – kuwento ni Marry, magulang sa anim na anak, at sa edad na cuarenta y uno ay pilit pa ring kumakayod katuwang ang kanyang asawa upang mapunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Anila, ang tunay na diwa ng Pasko ay hindi makikita sa pagkaing hinahain sa lamesa, o sa dami ng regalo sa ilalim ng pinalamutiang puno, o sa magagarbong damit na sinusuot tuwing bibisita sa mga ninong at ninang. Gayunman, para sa inang bukal ng sariling lugod ang ngiti ng kanyang mga anak, gagawin ni Marry anumang magpapalugod sa kanyang pamilya, kahit pa minsa’y ang halaga ng kanyang pawis at dugo ay hindi tumutumbas sa sapat.
“Minsan nakakapagod na rin kasi kahit anong trabaho mo kulang pa rin kasi nga iba na yung panahon ngayon, mahal bilihin, tapos kulang sinusuweldo,” panaghoy niya.
Bukod sa pagdarahop na kanilang tinitiis, ang banta ng malulubhang sakit at nagbabadyang peligrong nakaabang sa mga sulok ng dilim na hindi matatanaw ng abalang mga mata ni Marry ay siya ring kanyang ikinababahala.
“Kung dati, panay ang mga nangangaroling dito sa amin, ngayon parang wala na masyado… Marami na palagi nawawalang bata ngayon kaya nakakatakot din pag lumalabas tapos hindi na pwedeng basta-basta na lang sila pinapabayaan, yung mga bata, na pakalat-kalat sa daan nang walang nakabantay sa kanila. Nakakalungkot yun kasi imbis na masaya mong mase-celebrate ang Pasko, inaalala mo pa yoon,” pangamba ni Marry.
“Parang ang hirap mag-Pasko kung lagi na lang tayo binabagyo ng problema, tsaka literal na sinasalanta tayo ng bagyo,” dagdag pa niya.
Matapos kong marinig ang kanyang panhunab, hindi ko napigilan ang sarili na itanong kung, “Sa tingin niyo po ba, makulay pa rin ang Pasko natin dito sa Pinas,” at ang kanyang tugon – “‘di ko alam pa’no ko masasagot ‘yan, lumalabo na mata ko eh,” sabay ngisngis. Matagal bago ko naunawaan ang ibig niyang sabihin.
Sa likod ng patsada ng mga kumukurap na pailaw
Kung ang aking mga mata ay namulat, ang kay nanay Marry ay pilit nang pumipikit, gaya na lamang ng estrelya na nasa kaitaasan ng aming lumang christmas tree na dati’y masigla pang kumikisap, pero ngayo’y tuluyan nang napundi – iyon ang aking inakala.
Hindi maikakaila na sa kabila ng kanyang mga nanunuyong labi ay mayroong katotohanan sa mga salitang binitawan ni Marry. Sa panahon ngayon kung saan laganap ang sakit at krimen, walang tigil ang unos, lumulobo ang presyo ng mga bilihin, at namamahala ang mga walang kabatiran, hindi na nakakapagtaka kung bakit sa mga nakalipas na taon ay para bang unti-unti nang nag-iiba ang simoy ng hangin tuwing sasapit ang kapaskuhan.
Iba-ibang interpretasyon ang mahahalaw sa kung ano nga ba “tunay na diwa ng Pasko,” subali’t para sa ating mga pilipino, isa na rito ang pag-ibig at pagkakapisan-pisan ng magkaka-pamilya. Aking napagtanto na bagaman maraming hamon ang susubok sa atin, tulad ng tala na siyang naging gabay ng tatlong haring mago patungo sa kinaroroonan ni Jesus, patuloy na kikislap ang pag-asa na siyang mag-aahon sa atin mula sa anumang dagok ng buhay.
Comments