Report by Mandie Asejo | Photos by Joaquin Umali
Sa tahimik na kabundukan ng Sitio Manibukyot, isang komunidad ng mga katutubong Aeta at Abellin, nagdala ng pag-asa at inspirasyon ang Bachelor of Arts in Communication (AB Comm) 2A mula sa Tarlac State University. Ang kanilang social mobilization, na may pamagat na “EduAksiyon: Paghubog at Pagkalinga sa Dunong ng Nasyon,” ay naglalayong suportahan ang edukasyon ng mga kabataan sa lugar bilang bahagi ng Sustainable Development Goal (SDG) 4: Quality Education.
Dala ng mga mag-aaral ang layuning tugunan, kahit sa mumunting paraan lamang, ang kakulangan sa mga kagamitan ng Sitio Manibukyot Integrated School. Sa kabila ng limitadong mapagkukunan sa sitio, hindi matitinag ang kanilang hangaring makapag-aral at mangarap ng mas magandang bukas.
Isang Panawagan
Malugod na sinalubong ni Chieftain Marcial Salazar ang grupo ng mga mag-aaral at nagpasalamat sa kanilang inisyatiba. “Ang edukasyon ang magiging susi upang makaahon kami sa kahirapan. Mahirap na nga kami, tapos ang mga anak pa namin ganun ulit ang mararanasan sa susunod na henerasyon,” ani Salazar.
Bilang bagong halal na pinuno ng sitio, itinataguyod niya ang edukasyon bilang pangunahing layunin ng kanilang komunidad. “Gusto ko sanang lahat ng bata rito ay makapagtapos at magtagumpay, dahil iyon lang ang paraan para maputol ang siklo ng kahirapan,” dagdag niya.
Ang kanilang hanapbuhay, tulad ng pagsasaka at pagtatanim, ay madalas na hindi sapat para sa pang-araw-araw na pangangailangan. “Nakakalungkot, pero minsan kailangan naming mangutang para lang makabili ng gamit sa eskwela ng mga bata,” kuwento pa niya.
Sa loob ng 32 taon ng paninirahan sa Manibukyot, nakita ni Salazar ang kahalagahan ng edukasyon sa pagbangon mula sa trahedya ng pagsabog ng Mt. Pinatubo. “Noon, binago ng Pinatubo ang buhay namin. Ngayon, gusto naming baguhin ang kinabukasan ng aming mga anak,” ani niya.
Pangarap na Hindi Patitinag
Si Jennifer Sibal, isang ina mula sa sitio, ay gumagawa ng stick na ibinebenta ng limang piso kada tali upang mabuhay ang pamilya. “Minsan sapat, minsan hindi. Pero kahit mahirap, ginagawa namin ang lahat para sa mga anak namin,” ani Jennifer.
Ang kanyang asawa, si Lemar, ay nagbebenta ng dahon ng saging na ginagamit bilang pambalot ng kakanin. “Pareho kaming hindi nakapagtapos, pero gusto naming iba ang maging buhay ng mga anak namin,” dagdag pa niya.
Ang kanilang anak na si Jennica, na nasa Grade 3, ay nangangarap maging isang guro balang araw.
Isa si Maeann Cading, 30 taong gulang, sa mga magulang na naniniwala sa halaga ng edukasyon. Bagamat nasa ikalawang taon ng high school lamang ang natapos niya, nanatili ang kanyang dedikasyon sa pag-aaral noon. “Kada may natutunan akong bagong kaalaman, sinusulat ko ito gamit ang uling sa mga dingding o kahit saan. Ibinabahagi ko ito sa ibang bata para matuto rin sila,” ani Maeann.
Sa murang edad, naranasan ni Maeann ang hirap ng diskriminasyon bilang isang katutubo. “Binubully kami noon kasi Aeta kami. Pero hindi ko hinayaang maging dahilan iyon para hindi ako matuto,” kwento niya.
Dahil sa kanyang pagsisikap, naipasa niya ang kahalagahan ng edukasyon sa kanyang kapatid. “Pinu-push ko talaga ang kapatid ko. Ang sabi ko sa kanya, ‘Mag-aral ka. Kung hindi mo ipagpatuloy ang pag-aaral mo, anong mangyayari sa’yo?”
Sa kabila ng hirap ng kanilang buhay, isinangla ni Maeann ang motor ng kanilang tatay para lang maipagpatuloy ang pag-aaral ng kanyang kapatid. “Mahalaga ang edukasyon sa akin. Kahit hindi ako nakatapos, gusto ko na ang kapatid ko at ang mga anak ko ay makatapos para magbago ang buhay nila,” dagdag niya.
Isang Tungkulin
Isa sa mga guro sa Sitio Manibukyot Integrated School, si Joseph John Macabali, ay nagsimula magturo noong Hulyo. “Hindi madali ang pagtuturo dito dahil walang kuryente at kulang ang kagamitan. Lahat ng gamit na kailangan namin, inaakyat pa mula sa baba,” pagbabahagi ni Macabali.
Bagamat tradisyunal ang paraan ng pagtuturo, nananatiling dedikado si Macabali sa kanyang mga mag-aaral. “Hangga’t ia-allow ni Lord na nandito ako, hindi ako magsasawa na i-reach out sila. Gusto kong maging bahagi ng tagumpay nila,” dagdag niya.
Sa kabila ng kakulangan, tatlong guro ang nagtuturo sa mahigit 70 mag-aaral mula Kinder hanggang Grade 6. Ang bawat araw ng pagtuturo ay puno ng pagsisikap upang maibigay ang dekalidad na edukasyon sa mga bata ng sitio.
Mumunting Regalo
Sa programa, ang mga mag-aaral ng AB Communication 2A ay nagbahagi ng kaalaman sa pamamagitan ng storytelling at teaching sessions. Ipinaliwanag din ng grupo ang mahalagang papel ng mga magulang sa edukasyon ng kanilang mga anak.
Bilang bahagi ng proyekto, nagbigay sila ng mga bookshelf, school supplies, health kits, groceries, at mga damit, sa mga bata at matatanda. Nagbigay din sila ng mga bracelet na simbolo ng pagkakaisa at pag-asa, na siyang nagdala ng ngiti sa mga mukha ng mga bata.
Pagkakaisa Para sa Pagbabago
Ang social mobilization na ito ay hindi lamang tungkol sa pagbibigay ng materyal na tulong, kundi pati na rin sa pagbibigay-inspirasyon sa komunidad. Ang mga kuwento ng pagtitiyaga, sakripisyo, at pangarap ay nagsilbing inspirasyon para sa lahat ng dumalo.
Ang mga mag-aaral, guro, at komunidad ay nagkaisa upang isulong ang edukasyon bilang isang hakbang tungo sa mas magandang kinabukasan.
Sa pagtatapos ng programa, nag-iwan ng mensahe si Chieftain Salazar para sa mga magulang at mag-aaral. “Ang edukasyon ay regalo na hindi kayang agawin ninuman. Ito ang kayamanan na magdadala sa atin sa mas maliwanag na bukas,” aniya.
Sa kabila ng hamon ng buhay sa kabundukan, nananatili ang pag-asa at pagkakaisa ng Sitio Manibukyot. Ang bawat kwento ng pagtitiyaga ay patunay na ang edukasyon ay hindi lamang isang layunin kundi isang pangarap na kailangang pagsikapan at pagtagumpayan.
Comments