Sa ilalim ng Social Mobilization, isinagawa ng mga mag-aaral mula sa Bachelor of Arts in Communication (AB Comm) 2B ng Tarlac State University ang proyektong “COMM-AGOS: Daloy ng Pag-Asa, Hakbang sa Malinis na Tubig at Sanitasyon.” Ang inisyatibang ito ay nakatuon sa pagtugon sa layunin ng Sustainable Development Goal (SDG) 6, na nagsusulong ng pagkakaroon ng malinis na tubig at tamang sanitasyon para sa komunidad.
Ang Sitio San Pedro, partikular sa Purok 7, San Jose, Tarlac, ang napiling lokasyon ng proyekto. Ayon kay Vanessa Jane Misa, Project Head ng AB Comm 2B, ang pagpili sa lugar ay dumaan sa masusing deliberasyon at pagsusuri. "Napili namin ang Sitio San Pedro dahil sa agarang pangangailangan nila sa malinis na tubig, base na rin sa proposal at findings ng kaklase naming taga-roon," aniya.
Bilang tugon sa nasabing problema, naglaan ang grupo ng water pump o "bomba" bilang katawagan ng mga lokal doon, sanitary kits, at edukasyon para sa mga residente. Ang proyekto ay naglalayong tugunan ang kakulangan sa malinis na tubig upang maiwasan ang paglaganap ng mga sakit at mapabuti ang kalagayan ng komunidad.
Malinis na Tubig
Ayon kay Aviona Cabigas, isa sa mga mag-aaral, ang malinis na tubig ay isa sa mga pangunahing pangangailangan ng tao. Sa kanilang isinagawang pagsusuri, natuklasang umaasa ang mga residente sa hindi tiyak na pinagkukunan tulad ng balon. Ang ganitong kalagayan ay nagdudulot ng mga sakit tulad ng diarrhea at waterborne diseases ayon rito.
"Napili namin ang clean water bilang tema ng aming proyekto dahil ang tubig ay buhay. Malaki ang epekto nito sa kalusugan at pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao," ani Cabigas. Ang kawalan ng malinis na tubig ay hindi lamang isang isyu ng kalusugan kundi pati na rin sa ekonomiya ng komunidad.
Sa kanilang pagsusuri, natuklasan nila ang malalim na koneksyon ng malinis na tubig sa iba't ibang aspeto ng buhay sa Sitio San Pedro. Ayon kay Cabigas, ang tubig ay hindi lamang para sa inumin kundi mahalaga rin ito sa pagluluto, paglilinis, at iba pang pang-araw-araw na gawain.
Kaya't itinaguyod nila ang proyekto na ito upang hindi lamang matugunan ang pangangailangan ng malinis na tubig kundi upang bigyan ng mga solusyon ang iba pang aspeto ng buhay ng mga residente. "Ang aming layunin ay mag-iwan ng pangmatagalang solusyon, hindi lang sa pisikal na aspeto, kundi pati na rin sa pangangalaga sa kalusugan ng mga tao," dagdag niya.
Kwento ng Komunidad
Si Willy Dela Cruz, 66, ay isa sa mga matatagal nang naninirahan sa Sitio San Pedro. Ayon sa kanya, mula pagkabata ay sanay silang gumamit ng balon na kanilang hinuhukay malapit sa sapa. Gayunpaman, aminado siyang hindi ligtas ang tubig mula rito at madalas magdulot ng sakit.
"Malaki ang pasasalamat namin dahil wala kaming kakayahang magpatayo ng water pump," ani Dela Cruz. Aniya, ang proyektong ito ay nagbigay sa kanila ng bagong pag-asa at mas maayos na kalagayan sa kanilang araw-araw na pamumuhay.
Nagpapasalamat din ang Chieftain ng Sitio San Pedro na si Rody Dela Cruz sa mga estudyante. "Ang poso ay isang malaking blessing sa amin. Ito ay magbibigay ng mas ligtas at mas komportableng pamumuhay para sa aming mga residente," pahayag niya. Idinagdag pa niya na ang water pump ay magiging pampublikong tubigan na magbibigay ng benepisyo sa buong baryo.
Malinaw na Solusyon
Bukod sa pagbibigay ng pisikal na solusyon tulad ng bomba, nagturo rin ang grupo ng wastong kalinisan at tamang paggamit ng tubig. Si Mr. Bryan Gopez, Presidente ng Nursing Association, ay nagbahagi ng kaalaman ukol sa proper hygiene, kabilang na ang tamang paraan ng paghuhugas ng kamay.
Nagbigay rin ng seminar si Mr. Emil Sacalimitao, Vice President ng External Affairs ng Linguistic Society, tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng malinis na tubig. Ipinaliwanag niya kung paano ito nakaaapekto sa pangkalahatang kalusugan ng tao at kung bakit mahalaga ang pagpapanatili ng kalinisan sa pinanggagalingan ng tubig.
Ang ganitong uri ng edukasyon ay naglalayong tiyakin na ang mga residente ay may kaalaman at kakayahan na pangalagaan ang kanilang kalikasan at sarili. Ang pagbibigay ng kaalaman ay isang mahalagang aspeto ng proyekto upang mapanatili ang epekto nito sa mahabang panahon.
Bagama’t naitayo na ang water pump, isasailalim pa ito sa pagsusuri ng mga eksperto upang matiyak kung ligtas itong inumin mula sa kasalukuyang lokasyon. Inaasahan na sa susunod na taon malalaman ang resulta ng pagsusuri.
Daloy ng Pagkakaisa
Bilang bahagi ng pagdiriwang, ang mga katutubo suot ang kanilang tradisyonal na kasuotan, ay nagpakita ng pasasalamat sa pamamagitan ng pagsasayaw ng tugtugin na "Dayang Dayang" kasama ang mga mag-aaral. Bukod dito, nagbahagi rin ang grupo ng grocery packages, sanitary kits, at dalawang solar panels bilang dagdag na tulong sa komunidad.
Ang "COMM-AGOS" ay hindi lamang proyekto kundi isang inspirasyon para sa iba pang mag-aaral na maging bahagi ng positibong pagbabago. Sa pagtatapos ng proyekto, ipinakita ng AB Comm 2B na sa pagkakaisa at dedikasyon, ang isang simpleng ideya ay maaaring magdulot ng malaking epekto sa komunidad.
Comments