COMM 2-3 isinulong ang Layunin ng SDG 2 sa Sitio Agus
- theoraclejourn
- Dec 24, 2025
- 2 min read

Report by Lexter Kian Pamintuan | Photos by Mandie Asejo
Nag-organisa ng isang social mobilization ang mga mag-aaral ng Bachelor of Arts in Communication 2-3 (COMM 2-3) ng Tarlac State University (TSU) tungo sa komunidad ng Sitio Agus, Brgy. Burgos, San Jose, Tarlac City nitong ika-20 ng Disyembre.
Umikot ang layunin ng kanilang programa sa pagsuporta sa Sustainable Development Goal (SDG) 2, na nakatuon sa seguridad sa pagkain at wastong nutrisyon, sa pamamagitan ng pagtatanim. Tinawag ang inisyatibang ito na “COMM-usbong: Komunidad na Luntian, Sama-samang Isulong.”
Naghandog ang mga mag-aaral ng mga punla, kagamitang pansaka, at mga grocery na lubos na pinasalamatan ng lider ng komunidad na si Philip Gonzales.
“Ang pamumuhay po dito sa aming sitio…yung mga iba meron din namang pinagkakakitaan, pero mas marami talaga yung mga walang pinagkakakitaan… Pagtatanim lang ng gulay ang hanap buhay nila dito,” dagdag ni Gonzales.
Binigyang-diin ng programa ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos bilang tugon sa hamon ng kakulangan sa pagkain. Sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok ng komunidad, layunin nitong palakasin ang kakayahan ng mga residente na matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan sa paraang sustenable at pangmatagalan.
Nagkwento naman si Nanay Nimfa, isang 69-taong gulang na lokal na ng sitio—umikot ang panayam sa kanilang kita sa pagtatanim at pag-aani.
“Maganda ang kita, kapag-umuwi ako dito kumukuha ako ng ibebenta,” Lahad ni Nanay Nimfa.
Dinagdag niya ang kanyang lubos na pasasalamat sa mga tumulong, at pagpapaalala sa komunidad sa importansya ng pagtatanim.
“Pumunta ang mga tao dito upang magtanim, at Magkaisa.” Paalala ni Nanay Nimfa.
Ayon sa datos na iniulat ng PhilStar Global, tumaas sa 20 porsiyento ang bilang ng mga pamilyang nakararanas ng kagutuman. Sa tulong ng mga mag-aaral ng COMM 2-3 Eve, nakapagbigay sila ng isang hakbang tungo sa pangmatagalang solusyon sa kinakaharap na krisis ng komunidad—isang patunay na ang simpleng pagtatanim, kapag pinagsama sa malasakit at pagkilos, ay maaaring maging binhi ng pag-asa at pagbabago.



Comments