Ang Multo ng Pagkapit sa Pasyang Bumitiw
- theoraclejourn
- Aug 10
- 3 min read

Review by Mary Ruth Orendain | Layout by Nikka Gutierrez
Ang pelikulang Sunshine (2025) sa direksyon ni Antoinette Jadoine ay isa sa mga kwentong hindi niroromansa ang katatagan ng kababaihang nagdurusa bilang karangalan. Hindi rin nito sinasanto ang kahit anong desisyon ng bida sa kung ano ang tama o mali, bagkus inilalantad dito nang buong-buo — kung paano paulit-ulit binibigo ang mga kababaihan sa sistemang sana'y kumakalinga sa kanila.
Bilang isang social realist drama, dahan-dahang sumusulong ang pelikula na parang sugat na unti-unting naghihilom; walang melodrama, tanging bigat ng oras at mga tahimik na pagninilay ang bumabalot sa manonood.
Matagumpay nito inilalarawan ang madilim na realidad ng teenage pregnancy sa bansa. Noong 2022, pumangatlo ang Pilipinas sa may pinakamataas na kaso ng teenage pregnancy sa buong Asia-Pacific, ika-6 sa rehiyon na may 32.16 na panganganak sa bawat 1,000 kabataang babae edad 15–19. Sa datos naman ng ASEAN noong 2019, pumapangalawa ang bansa sa pinakamataas na bilang.
Sa direksyon ni Antoinette Jadaone, dala rin ng Sunshine ang parehong matapat at may kabigatan na paglalakbay ng bida kagaya sa That Thing Called Tadhana (2014), Fangirl (2020) Realistiko ang tono, mabagal ngunit matindi ang pacing — hinahayaan ang mga eksena na huminga at ang mga katahimikan na magsalita.
Nalulunod Sa lungsod na tuyo ang malasakit
Mula sa mga makitid na gusali ng Kamaynilaan, sa pagitan ng Quiapo, dasal, at gamot na tila bawal hanapin, pinapakita ni Antoinette kung paano bitbitin ng protaginistang si Sunshine, ang bigat ng isang desisyong hindi niya pwedeng sambitin. Ang abortifacients sa likod ng mga rebulto, ang pregnancy test na kailangang suklian ng ID at malalamig na tingin, ang takot na isinisilid sa paper bag, lahat ay paalala na kahit ang karapatan ay ibinebenta — at ang awa, kailangan pang hilingin.
Sa pagitan ng mga kalyeng nilalakbay ni Sunshine, mahusay na isinalarawan dito ni Antoinette ang isang lungsod na kasing sikip ng mga pagpipilian ng mga babaeng gaya nya.
Masasabing ang pagkalatag ng papel ni Sunshine, isang gymnast na nabuntis habang naghahanda patungo sa qualifiers ng Olympics, ay ang pinakamahusay na pagganap ni Maris Racal sa kanyang karera sa industriya. Walang labis, walang kulang na pag arte. Dama mo ang bigat ng kanyang pasya sa isa't kalahating kabuuang oras ng kwento. Sa mga mata nito, naroon nangungusap ang mga tanong na walang ligtas na sagot.
Maging sa kanyang katawan kung saan dala niya ang pagkabalisa ng pagiging atleta at babae, sa mundong hirap makinig sa parehong laban habang kumakapit sa kanyang mga mithiin, unti-unti siyang inuubos ng mundong pinapakita na sya lamang ang tanging may kakayahang sumagip ng kanyang mga pangarap.
Tahanang Walang Silong
Hindi lamang umikot ang istorya sa maagang pagbubuntis ni Sunshine. Sa papel ng batang aktres na si Rhed Bustamante, isiniwalat ang isa pang simpleng akda ngunit binigyan ng matalim na salaysay sa kwento: isang 13-anyos na batang babae ay ginahasa ng sarili niyang tiyuhin.
Mula sa pagbubulag-bulagan ng sarili nyang tahanang dapat kumakalinga sa kanya, sumailalim ang bata sa isang mapanganib na proseso ng paghihilot — ang lunas ay hindi batay sa agham kundi sa desperasyon. Ang kagustuhan nyang burahin ang isang trahedya ang sya ring naglagay sa kanya sa isa pang kapahamakan, na kung hindi sana naitakbo sa ospital ang bata sa kwento ay marahil hindi na ito nakaabot.
Kapag Bawal ang Pag-Ligtas
Ngunit kahit sa loob ng institusyong dapat ay nagliligtas, hindi rin sila agad nakahanap ng tulong. Tumanggi ang mga doktor na gamutin ang 13 anyos na bata, sapagkat sa isang bansang ilegal ang aborsyon, ang pag gamot sa batang dumaan na sa pangalawa nyang karimlang ‘di naman ginusto, ay maaaring katumbas ng pagkawala ng lisensya ng tutulong rito. Gayon pa man, sa huli ay isang babaeng doktor ang lumaban sa katahimikan ng pinakitang sistema at piniling iligtas ang buhay nito. Kalaunan, s'ya rin ang doktor na tumulong kay Sunshine para makamit nya ang mas ligtas na espasyo at proseso.
Buhay at kamatayan ang kapalit ng pagtitiwala sa mundong walang maaasahan. Maging sa eksena ni Sunshine sa mumurahing motel habang mag-isang sinusubukan ang biniling pamparegla, mahusay na ipinaramdam ni Maris ang desperasyon, ang takot, ang tahimik na pagsusumamo sa isang katawan na pinilit maging sarili nitong ospital.
Positibo’t Negatibo
Hindi kailangan ipaliwanag ang presensya ng bata na parating sumusunod kay Sunshine, ngunit malinaw na tila ito'y isang konsensyang paulit-ulit sumusulpot at nambubulabog kay Sunshine. Bagaman hindi ito pangkaraniwan sa pelikulang may mala-dokumentaryong himig at istilo, nagsilbi ito sa isa sa mga pinaka matalim na salamin ng kabigatan ng kanyang mga pasya sa istorya. Dahil sa huli, ang hangad lamang ng pelikulang ito para sa mga manonood ay ang maunawaan natin si Sunshine, at hindi para siya'y muling mahatulan ng kung ano ang alam nating tama sa mali. At kung naiintindihan mo siya, handa ka na rin bang aminin kung gaano kaliit ang mundo para sa mga kababaihang gaya niya?
Comments