top of page
Writer's picturetheoraclejourn

TSU, ipinagdiriwang ang Buwan ng Wikang Pambansa; Mga kalahok ng CASS wagi sa larangan ng pag-awit

Ulat nina Mandie Asejo at Mary Ruth Orendain | Larawang kuha nina Julyanna Lyde Bautista, Angilene Dableo, Wacky Dimyao, Ryza Reign Dizon, Cenon Pineda at Jayane Leslie Feliciano


Mula sa temang ‘Filipino: Wikang Mapagmalaya,’ idinaos ng Tarlac State University ang iba’t ibang pagtatanghal ng kulturang Pilipino sa awitin at pagsayaw, kung saan ipinamalas din ng mga kalahok mula sa Kolehiyo ng Agham at Sining Panlipunan ang kanilang talento sa pag-awit nitong ika-28 ng Agosto sa TSU-Main Gymnasium.  

 

Nagwagi ang mga pambato ng CASS sa  iba’t-ibang kategorya ng patimpalak sa pag-awit. Nakamit ni Kyla Marie Subron ang ikatlong puwesto sa Pop Solo, si Dean Mhar Madriaga ay itinanghal na kampeon sa Kundiman, habang sina Ace Gabriel Cayabyab at Celeigh Ann Gamboa ay nasungkit din ang unang puwesto sa kategoryang Vocal Duet.  

 

Sa isang panayam, inilahad ni Madriaga, isang mag-aaral mula sa Departamento ng Komunikasyon, ang kanyang mga naging paghahanda para sa patimpalak. 

 

“Bitbit ko ang disiplina mula sa Tarlac Männerchor, kung saan kahit sa oras ng pahinga ay isinisingit ko ang pag-aaral ng piyesang ‘Pakiusap’ ni Francisco Santiago. Inulit-ulit ko ito upang lubos na mabigyang-buhay at maisapuso ang bawat liriko.” ani ni Dean Mhar Madriaga 

 

“Wala akong hangad kundi ang maipakita at maipamalas ang kapangyarihan ng musika sa bawat isa. Isang karagdagang karangalan na lamang ang kilalanin at mabigyan ng unang gantimpala matapos kong matanghal, ang makapagbigay inspirasyon ay higit nang ikaliligaya ng aking damdamin bilang isang mang-aawit.” dagdag pa niya, 

 

Samakatuwid, ang Cultural Show na bahagi ng pagdiriwang ay naghandog ng magarbong pagtatanghal mula sa TSU Performing Arts Dance Troupe, na nagrepresenta ng 17 iba’t ibang sayaw mula sa bawat rehiyon ng Pilipinas. Bumida rin sa pagdiriwang ang TSU Laboratory School na nagpamalas ng iba’t ibang anyo ng katutubong sayaw, sabayang pagbigkas, at pagtanghal ng magagarang Filipiniana’t Barong Tagalog.  

 

Pinasalamatan rin ng Pangulo ng Unibersidad na si Dr. Arnold E. Velasco ang lahat ng mga nakibahagi at nagpunyagi sa pangunguna ng programa.  

 

“Salamat sa inyong mga ipinakitang karunungan o talento sa pagsayaw…at ‘yong huli kanina na pagtula, na talagang sinaulo pa ng mga bata upang matunghayan ang kakayahan sa wikang Filipino,” ani niya. 

 

Ibinahagi naman ni Khristian Dizon, estudyante mula sa CASS ang kaniyang pagkamangha sa mga sayaw na itinanghal ng TSU Performing Arts Dance Troupe. 

 

“Nakakatuwa lang din na hanggang ngayon buhay pa rin yung kulturang ganiyan, sumasayaw at nakasuot ng Pilipinong kasuotan, tumatak sa akin ‘yong Kadal Tahu ng South Cotabato kasi sabay-sabay silang gumalaw at yung foot steps nila ang galing din kasi hindi sila nagkakamali” saad nito. 

 

Ang nasabing okasyon ay naging plataporma para sa mga estudyante na ipamalas ang kanilang mga talento at dedikasyon sa patuloy na pagpapahalaga sa mga tradisyon, kultura, at wikang Pilipino. 




 

Comments


bottom of page