Bawat Bira ng Baraha
- theoraclejourn
- Jul 26
- 3 min read

Report by Mandie Asejo | Layout by Joaquin Umali
Minsan ay, ‘di mo rin ba maipinta, ang aura ng ‘yong mukha?
Sa bawat simula ng laro ng baraha, may ritwal na hindi maaaring laktawan ang “Pagbalasa.” Isa itong sandali ng kaguluhan—walang ayos, walang kasiguruhan… bago muling mabuo ang estratehiya. Ganyan din ang nangyari sa isang banda na, sa kabila ng tagumpay ng kanilang awitin, ay biglang naglaho.
Walang paliwanag, walang pamamaalam…. Naiwan ang lahat sa alanganin—parang larong natigil bago maipakita ang mga baraha.
Ang Apat na Alas
Ang bandang IV of Spades (IVOS) ay nagsimula noong 2014 sa Maynila. Si Allan Silonga, isang musikero at dating miyembro ng bandang Take One, ang nagpasimula ng ideya. Nais niyang bumuo ng banda para sa kanyang anak na si Blaster Silonga (gitarista), kaya nagsimula siyang maghanap ng mga batang musikero.
Ang banda ay binubuo ni Blaster Silonga (gitarista), Badjao de Castro (drummer), Zild Benitez (bassist at kalaunan ay naging lead vocals), at ang lead vocals na si Unique Salonga. Nagsimula silang tumugtog sa mga bar, gigs, at online platforms. Noong 2017, sumikat sila sa mainstream dahil sa kanilang breakout single na “Hey Barbara”, kasunod ang viral na “Mundo.”
Bukod dito, nagsimula sila sa mga kantang nagpapakilala sa kanilang timpla: “Ilaw sa Daan,” “Hey Barbara,” at “Where Have You Been, My Disco?”—mga awit na hindi lang tugtugin kundi pagsabog ng personalidad. Kasunod nito ang “Mundo,” “Bawat Kaluluwa,” at “In My Prison,” na siyang nagpalalim at nagpatibay sa kanilang kredibilidad bilang mga musikero.
Ang ClapClapClap! (2019) ang tila pinakamalaki nilang pusta…. Isang patong-lahat na hakbang na sumubok sa hangganan ng tunog at anyo. Ngunit matapos nito, biglang natahimik ang mesa. Isang mahabang pagtiklop ng baraha. Tumagal ng halos kalahating dekada ang katahimikan, at sa panahong iyon, naghintay ang lahat ng manlalaro kung kailan muling ilalapag ang panibagong tira.
Ang Muling Bira
Sa sugal, ang unang tira ay nagsisilbing pahiwatig. Hindi kailangang baraha ng alas para makuha ang atensyon ng kalaban. Minsan, sapat na ang isang tahimik at pantay na karta…
Isang patikim, isang sulyap, isang pahiwatig na hindi ka tuluyang naglaho.
At kanila itong naipakita sa kanilang bagong awitin na “Aura”.
Wala itong kislap ng disco o groove ng funk. Wala ring matitinding palo sa drums. Ngunit sa kababaang-loob nito, may dalang bigat—isang tinig na hindi nagsisigaw, pero lumalagos. Ang linyang “Kung ito ang huli, salamat sa iyong pag-ibig,” ay hindi pamamaalam kundi pagbubukas ng panibagong yugto.
“Sana’y makita pang muli / Ang pungay ng ‘yong matang gumaganda / Nasaan ka na?”
Dito, walang tinatakasan. Tila humihiling ang tinig na muling makita ang kinang sa mga mata ng minamahal.
“Sa tuwing tumatakbo ang isipang magulo / Kilala mo naman akong laging kakailanganin ng pag-ibig mo.”
At sa bawat linya, malinaw ang mensahe, kahit sa gitna ng gulo, ikaw pa rin ang hahanapin. Kahit nag-iba ang panahon, ang sentro ay nananatili.
Ang Damdaming Nakataya
Walang sugal na walang kaba ng dibdib. Sa bawat pusta, may panginginig, may tanong kung panalo ba o talo, at may bahid ng pangarap kahit papaano. Ganyan ang “Aura,” hindi ito ang tipo ng kantang isinulat para ipakita kung gaano sila kahusay. Hindi rin ito likha para lang sumabog sa charts.
Isa itong pagbitaw….
Isang pag-amin….
Isang lihim na matagal nang kinikimkim at ngayon lang naglakas-loob na ilabas.
At sa mundong puno ng ingay, mas tumatama ang katahimikan. Sa mga panahong hindi sila nagsalita, hindi ibig sabihin ay wala na sila. Ang totoo, doon nabuo ang bigat. Habang ang iba’y nag-aabang ng anunsyo o comeback tour, sila naman ay tahimik na niluluto ang sariling loob… pinipiga ang bawat damdamin, pinipili kung ano ang mahalaga, tinatanggap na baka hindi na tulad ng dati ang lahat.
Dahil minsan, ang mga pinakamahalagang bagay ay hindi laging sinisigaw. “Come Inside of My Heart,” “Sweet Shadow,” “Take That Man,” “Dulo ng Hangganan” mga kantang hindi lang basta tugtog, kundi mga panahong naramdaman mong may yumakap sa’yo sa gitna ng gulo. Ngayon, kasama na sa hanay na iyon ang “Aura”—isang kantang parang diyamenteng natagpuan sa putikan.
Muling Pagbalasa
Ang “Aura” ay hindi katapusan. Isa itong simpleng pagsindi ng ilaw sa gitna ng madilim na casino. Sa mundong puno ng ingay, ang kanilang pagbabalik ay kontra-agos—isang eleganteng pagpasok, hindi dramatiko, pero malalim.
Hindi ito sugal na para lamang sa jackpot. Ito ay laro na muling binuksan—hindi para manalo, kundi para patuloy na makipagtagpo sa sarili, sa musika, at sa mga tagapakinig na nanatiling naghintay.
Sa larong ito, hindi na mahalaga kung sino ang may alas. Ang mahalaga, ang laro ay muling umuusad. At sa bawat palo, sa bawat kanta, isa lang ang tiyak: ang IVOS ay muling nakaupo sa mesa.
Hindi sila bumalik para makipag kumpetensya. Bumalik sila upang ipagpatuloy ang laro sa baraha.
Comments