Report by Anthonette Aspiras
Isinapubliko ng mga mananaliksik mula sa Institute of Herbal Medicine (IHM) ng Unibersidad ng Pilipinas – Manila (UPM) ang gamot na mabisa laban sa type 2 diabetes, nitong ika-1 ng Oktubre, taong kasalukuyan.
Nilinaw ng UPM na ang gamot ay gawa sa ampalaya o momordica charantia kung saan dumaan ito sa paulit-ulit na pag-aaral at napatunayang nakapagpapababa ng blood sugar level at nakatutulong ito upang maiwasan ang paglala ng type 2 diabetes.
Dagdag pa ng UPM na ang ampalaya tablet ay isang halamang gamot na hindi lamang basta herbal supplement, dahil ang mga gamot ay dumaan sa matinding pagsusuri at nakasailalim sa pagbabantay ng Food and Drug Administration (FDA).
Ipinakilala ni Professor Daisy Mae A. Bagaoisan, isang registered pharmacist at research assistant professor ng IHM ang pananaliksik kung saan inihayag niya ang benepisyo ng ampalaya bilang gamot.
“Our studies have shown that the ampalaya tablet can produce a significant reduction in blood sugar levels, comparable to the drug Glibenclamide…The tablet has undergone rigorous clinical trials and has been found to effectively reduce fasting plasma glucose by the third week of treatment and decrease glycosylated hemoglobin after 12 weeks.” ani ni Prof. Bagaoisan.
“It has been formulated according to World Health Organization (WHO) guidelines and is stable at room temperature for at least one and a half years…Moreover, it is very safe, making it a viable option for those seeking an herbal remedy with no known side effects,” dagdag pa niya.
Isinaad din ni Prof. Bagaoisan na ang sakit gaya ng diabetes ay isa sa mga lumalagong problema sa kalusugan, lalo na sa mga bansang may maliit hanggang katamtamang kita gaya ng Pilipinas, at ang paglaganap ng ganitong sakit ay nangangailangan ng gamutan na madaling maabot ng pubiko.
Naisakatuparan ang pagbuo sa halamang gamot na ito sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga eksperto ng UPM mula sa iba't- ibang larangan tulad ng medisina at agrikultura.
Comments