Isinulat ni Mandie Asejo | Dibuho ni Hannah Aurea Medina | Paglapat ni Angilene Dableo
Sa bawa't hakbang tungo sa kaunlaran, ang edukasyon ang nagsisilbing matibay na haligi na nagdadala ng pag-asa sa ating bayan. Subalit, sa kabila ng makapangyarihang halaga ng kaalaman, tila pinipilay ng mga balakid ang ating sistema ng edukasyon sa lipunan.
Mula sa mga masisikip na silid-aralan hanggang sa mga delikadong pasilidad, patuloy na lumalalim ang mga isyung ito at nagdudulot ng malalim na epekto sa kalidad ng edukasyon sa bansa.
Salat sa Pasilidad
Sa isang mumunting baryo sa Concepcion, nakatayo ang Sta. Rosa National High School, isang paaralan na tila nababalot ng mga pangarap at pag-asa ng mga kabataang nakatuntong sa kanyang mga daanan. Subalit, sa kabila ng mga pangarap, isang malupit na katotohanan ang sumasalubong sa kanila: ang mga hamon sa imprastruktura na patuloy na nagpapahirap sa kanilang pag-aaral.
Ayon kay Dr. Cesar Ian DC Salac, ang punong guro ng paaralan, ang kanyang layunin na pagandahin ang paaralan ay tila isang pangarap na humahabi ng mas maliwanag na kinabukasan para sa mga kabataan ng Sta. Rosa. Subalit ang mga silid-aralan, na dapat sanang maging kanlungan ng kaalaman, ay hindi maikakaila ang kakulangan.
Sa kasalukuyan, ang populasyon ng mga mag-aaral sa baryo ng Sta Rosa ay umaabot na sa 150 sa Ika-pitong baitang, 91 sa Ika-walong baitang, 132 sa Ika-siyam na baitang, 105 sa Ika-sampung baitang, at 111 sa Senior High. Bagamat ang mga dagdag na seksyon ay tila maliliit na barkong nilikha upang harapin ang malupit na alon ng dumaraming mag-aaral, patuloy na sinasalanta ng kakulangan sa silid-aralan at iba pang pasilidad ang kanilang mga pag-asa.
āHindi siya matutugunan sa mga school budget, dahil ang mga iyon they are intended for electricity, sa mga utilities natin, yung mga kailangang supply. Yung mga ganun, kaya hindi siya mapopondohan, o ma budgetan ng school MOOE (School Maintenance and Other Operating Expenses) o yung pinaka budget ng school,ā tugon nito.
Sa kabila ng mga pagsubok na hinaharap, patuloy ang pagsusumikap ng paaralan na maitaguyod ang mataas na kalidad ng edukasyon para sa mga mag-aaral ng Sta Rosa. Unti-unti nilang inilalaan ang kanilang pondo upang tugunan ang mga kakulangan sa imprastruktura, tulad ng pagtatayo ng bagong entablado na magsisilbing espasyo ng paglikha at pagpapahayag ng talento ng mga mag-aaral.
Hindi lamang natatapos sa silid-aralan ang kanilang layunin. Sa pamamagitan ng mga makabuluhang aktibidad tuwing may okasyon, sinisikap ng paaralan na palawakin ang karanasan at pagkatuto ng mga bataāisang edukasyong nagaganap hindi lamang sa apat na sulok ng silid kundi sa buong komunidad ng paaralan.
Higit pa rito, patuloy nilang pinapadama ang suporta at pagkalinga sa bawat mag-aaral, upang ang paaralan ay maging higit pa sa isang lugar ng pagkatuto, kundi isang tahanang nagbibigay-init at gabay sa kanilang paglaki.
Bukod sa mga silid-aralan, ang kakulangan sa mga kagamitan, gaya ng mga upuan at iba pang pasilidad, ay isa ring malaking suliranin. Ayon sa ulat ng COA noong 2023, wala ni isang upuan mula sa itinakdang 580,394 ang naihatid noong nakaraang taon.
Dahil sa pagkaantala ng paghahatid ng mga upuan hanggang sa unang bahagi ng taon ng 2024, napipilitan ang mga mag-aaral na magkasiya sa iisang upuan, umupo sa sahig, o hatiin ang oras ng pagpasok, na nagdudulot hindi lamang ng pisikal na hirap kung hindi pati na rin ng hadlang sa kanilang produktibong pag-aaral.
Sa mga liblib na lugar na kabilang sa Last Mile Schools Program ng Kagawaran ng Edukasyon, tatlo lamang sa target na 88 paaralan ang natapos noong 2023. Dahil dito, patuloy na nahihirapan ang mga mag-aaral sa mga malalayong lugar sa kakulangan ng pasilidad at tulong.
Ang Last Mile Schools ay mga pampublikong paaralan na matatagpuan sa mga liblib at malalayong lugar ng Pilipinas, kung saan kadalasang limitado ang mga kakayahan sa pagkakaroon ng mga pangunahing serbisyo tulad ng edukasyon, imprastruktura, at teknolohiya.
Ang mga paaralang ito ay madalas na nahaharap sa matinding kakulangan sa mga pasilidad, kagamitan, at maging mga guro, dahilan upang maging hamon ang pagbibigay ng dekalidad na edukasyon sa mga mag-aaral.
Gayunpaman, ang mabagal na implementasyon ng mga proyekto sa ilalim ng programa ay naging isa sa mga hamon sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mag-aaral sa mga lugar na ito.
Lumulobong Populasyon
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 24,865,701 ang bilang ng mga mag-aaral sa Pilipinas para sa Akademikong Taon 2024-2025, na nagrerepresenta ng 89.79% ng target na enrollment ng Kagawaran ng Edukasyon. Karamihan sa mga mag-aaral, o 21,610,597, ay naka-enroll sa mga pampublikong paaralan, subalit patuloy pa rin ang hamon sa kakulangan ng mga silid-aralan at iba pang pasilidad.
Ayon sa mga ulat, kinakailangan ng Kagawaran ng Edukasyon ng halos P400 bilyon upang masolusyunan ang projected na kakulangan ng 159,000 silid-aralan sa susunod na taon. Sa kasalukuyan, mayroon lamang P10 bilyon na nakalaang pondo para sa konstruksyon ng bagong silid-aralan, isang halaga na hindi sapat para tugunan ang lumalalang problema sa kakulangan ng espasyo sa mga paaralan.
Makikita na ang pagtaas ng bilang ng mga mag-aaral ay kasabay ng tumitinding kakulangan ng pasilidad, na nagdudulot ng patuloy na hamon sa sektor ng edukasyon sa bansa. Ang pagtugon sa mga suliraning ito ay mahalaga upang masiguro ang kalidad ng edukasyon para sa lahat ng mag-aaral.
Sa maraming paaralan, higit sa 50-60 mag-aaral ang siksikan sa isang silid-aralan, na lampas sa pinakamainam na bilang na 35-40 estudyante bawat silid. Ang mas maraming estudyante sa mas maliit na espasyo ay nagiging dahilan ng pagbagsak ng kalidad ng pagtuturo.
Paano natin masisiguro ang kaligtasan at kaginhawahan ng mga mag-aaral kung ganito kalubha ang kalagayan ng ating mga paaralan?
Kalidad ng Pagtuturo
Ang pisikal na kondisyon ng mga paaralan ay hindi lamang nagiging hadlang sa komportableng pag-aaral; ito rin ay may direktang epekto sa kalidad ng pagtuturo at akademikong pagganap ng mga guro.
Sa kabila ng mga hamon, patuloy ang pagsusumikap ng mga guro na maibigay ang kalidad na edukasyon. Si Kylie Faith Del Rosario, isang Grade 11 student mula sa HUMMS strand, ay nagsabi, āSuper handled po nila ang lahat pagdating sa pagtuturo. Kung magtuturo po sila, ibinibigay nila ang lahat ng impormasyon, lalo na kung may mga hindi nauunawaan ang mga estudyante.ā
Subalit hindi maiiwasan ang mga pagsubok na dulot ng labis na pagsisiksikan sa mga silid-aralan. Ayon kay Kylie, āKapag major subjects, nagsasama-sama kami sa iisang silid-aralan na umaabot sa 73 ang bilang. Mahirap ito para sa mga guro lalo naāt iba-iba ang mga attitudes namin.ā
Ayon sa datos mula sa National Achievement Test (NAT) para sa 2023, bumaba ang mga resulta ng mga estudyanteng Pilipino sa mga asignaturang Sipnayan, Agham, at Pagbasa. Kung ganito ang kondisyon ng mga paaralan, magiging mahirap para sa kanila na makasabay sa pandaigdigang pamantayan.
Sa bawat oras na kanilang ginugugol mula sa pag-ayos ng mga silid kung saan siksikan ang mga mag-aaral, nababawasan ang oras na maaari nilang ilaan sa aktwal na pagtuturo at pagpapaliwanag ng mga aralin. Ayon sa mga eksperto, ang ganitong sitwasyon ay may negatibong epekto sa learning retention ng mga estudyante, na kadalasang nauuwi sa mas mababang pagganap sa akademiko.
Dagdag pa rito, ang kakulangan ng mga modernong kagamitan at teknolohiya ay nagiging hadlang sa kakayahan ng mga guro na makapaghatid ng mas epektibo at masining na mga aralin.
Sa kasalukuyang panahon, ang edukasyon ay hindi na lamang nakabatay sa tradisyunal na mga pamamaraan; mahalaga ang paggamit ng mga makabagong kagamitan at teknolohiya upang mas maipaliwanag ang mga kumplikadong konsepto at mas mapanatili ang interes ng mga estudyante.
Tinig ng mga Guro
Si Ma'am Sheena Manguan, isang guro sa Senior High School, ay tila isang ilaw na naglalakbay sa kadiliman ng kakulangan sa kanyang paaralan. Sa kanyang mga mata, ang Sta. Rosa National High School ay isang sapantaha ng pag-asa.
āKumpara sa mga malalaking paaralan, ang Sta. Rosa ay walang access sa laboratory, library, at clinic. Ang section na hinahawakan ko ay nagkaklase sa harap ng canteen, at wala kaming sariling classroom,ā aniya. āKahit na meron kaming electric fan, mas nanaisin ko pang maitutok iyon sa mga estudyante at ako na lamang ang mainitan.ā
Sa kabila ng mga hamon, ang kanyang pag-asa ay tila mga ibon na nag-aasam na muling makalipad. āSana ay matutukan pa nila ang pagpapagawa ng mga classrooms, para maging komportable ang mga teachers at students.ā
Sa isang pulong noong Agosto, taong 2023, maraming mga guro ang nagpahayag ng kanilang mga hinaing ukol sa kakulangan ng suporta mula sa gobyerno. Bagamat nakasaad sa mga plano ng Kagawaran ng Edukasyon na magbibigay ng mga pagsasanay, hindi ito sapat upang tugunan ang mga kasalukuyang hamon.
Ang mga guro ay direktang apektado ng mga isyu dahil sa mga nagsisiksikang mag-aaral. Ayon sa mga guro, ang labis na dami ng estudyante ay nagdudulot ng mental at emotional stress, pati na rin ng panganib sa kanilang pisikal na kalusugan. Nahihirapan silang gampanan ang kanilang pangunahing tungkulin bilang gabay sa akademikong pag-unlad ng mga mag-aaral.
āLast time, ang pangako sa amin ay mababawasan ang workloads ng teacher para makapag-focus sila sa kanilang mental health, ngunit hindi pa namin ito nararamdaman dahil sa dami ng papel at mga gawain,ā saad ni Ma'am Sheena
Maraming guro ang nanawagan sa pamahalaan na bigyang-priyoridad ang kanilang mga pangangailangan, tulad ng pagtaas ng bilang ng mga guro sa mga overcrowded classrooms at pagbibigay ng mas maayos na kondisyon sa mga paaralan.
Pagtugon ng Pamahalaan
Aminado ang pamahalaan sa kakulangan ng mga pasilidad at kagamitan, kaya't nagpahayag ang Kagawaran ng Edukasyon ng kanilang mga hakbang upang tugunan ito. Ayon sa pahayag ng dating Kalihim ng Kagawan ng Edukasyon na si Sonny Angara noong 2023, nangako silang maglaan ng mas maraming pondo para sa konstruksyon ng mga bagong silid-aralan at pag-aayos ng mga sira.
Sumunod sa kanyang termino si Sara Duterte bilang bagong Kalihim ng Edukasyon. Subalit, siya ay pinalitan ni Sonny Angara, na umupo sa puwesto noong Hulyo 19, 2024.
Ang layunin ng kanyang tanggapan ay magbigay ng kalidad na batayang edukasyon na pantay-pantay ang lahat. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nakatuon ang Kagawaran ng Edukasyon sa pag-unlad ng mga pasilidad at kagamitan upang matugunan ang patuloy na kakulangan sa mga silid-aralan.
Sa likod ng mga matatayog na pangako, tila mabagal ang takbo ng hangin tungo sa tunay na pagbabago. Ang mga proyektoāy nakabinbin pa rin sa papel, tila mga ulap na walang ulanānagmumukhang maganda sa pangako ngunit walang hatid na ginhawa.
Hindi sapat ang mga planong nakalatag kung hindi ito agad na maisasakatuparan. Upang tunay na matugunan ang mga suliranin sa edukasyon, kinakailangang tutukan ng pamahalaan ang agarang pagpapatupad ng mga proyekto sa pagtatayo ng mga silid-aralan at pagbibigay ng sapat na kagamitan.
Hindi sapat ang mga planong nakalatag kung nananatili itong mga pangarap lamang. Upang tunay na masolusyonan ang mga suliranin sa edukasyon, ang pamahalaan ay kailangang magpatupad ng mabilis at konkretong hakbang.
Kailangan ding tugunan ang kakulangan sa pasilidad sa mga malalayong lugar, lalo na ang Last Mile Schools Program.
Kinakailangan ang agarang aksyon, sapagkat sa bawat araw na lumilipas, patuloy na natutunaw ang pag-asa ng mga mag-aaral at guro, at ang krisis sa edukasyon ay lumalalim, tila bangin na handang lamunin ang kinabukasan ng bayan.
Ang kalagayan ng edukasyon sa Sta. Rosa ay isang patunay ng mas malawak na isyu ng kakulangan sa imprastruktura sa mga pampublikong paaralan sa bansa. Sa kabila ng mga hamon, ang dedikasyon ng mga guro at administrasyon ay nagsisilbing ilaw sa madilim na kalagayan ng sistema.
Kung kaya nating maglaan ng napakalalaking pondo para sa ibang mga bagay, bakit hindi natin isaalang-alang ang paggamit nito para sa mas makabuluhang layunināang pagbibigay ng kinakailangang suporta para sa mga mag-aaral ng bayan?
Ang pagbibigay ng wastong pondo at suporta sa edukasyon ay hindi lamang isang pamumuhunan sa kasalukuyan kundi isang pamumuhunan sa kinabukasan ng ating bayan. Sa pagtutok sa mga pangangailangan ng ating mga mag-aaral, tayo ay nagtatayo ng isang matatag na pundasyon para sa mas maliwanag na bukas.
Nais nating maging isang progresibong bansa, ngunit tila nahuhuli tayo sa pagkamit ng kalidad ng edukasyon na nararapat sa ating mga kabataan. Ang edukasyon ang haliging bumabalikat sa kinabukasan ng bayan, kayaāt hindi dapat ipagkait sa kabataan, bagkus itoāy ipaglaban nang may malasakit at tapang.
Comments